Pagsasapribado ng MVIS, parusa!
SA halip na kaginhawahan, malaking parusa sa taumbayan ang plano ng Land Transportation Office (LTO) na isapribado ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS).
Dapat ay magsama-sama ang lahat dito maging ang mga pribado, pampublikong motorista at commuters dahil sa apektado ang lahat sa planong isapribado ang MVIS.
Kapag nangyari ito, ang magiging registration fee ay aakyat sa P1,200 mula sa P350 sa loob ng tatlong taon para sa private cars at mga UV express at bus inspection fee ay tataas sa P1,200 mula sa kasalukuyang P115.00 at ang mga trucks at private buses ay aabot sa P3,000 mula sa P115.00.
Bukod dito, kasama rin ang motorcycle inspection fees na tataas sa P750.00 mula P550.00 at ang mga tricycles ay aabot sa P750.00 mula sa P50.00 para sa kada taong inspection.
Ayon sa paliwanag ng LTO, magiging daan ang privatization para matupad ang layuning magtatag ng automated centers sa buong bansa at masosolusyunan daw ang problema sa nakagawiang non-apperance sa mga inspections at emission testing ng lahat ng mga behikulo.
Masyadong malaki ang itataas at tila hindi alintana sa LTO ang hirap na maibibigay nito sa publiko.
Hindi lang ang mga motorista kundi mga commuters din ay apektado dahil ayon sa mga transport groups ay kanilang ipapasa sa singil sa pasahe ang dagdag na gastusin sa MVIS.
Pero kung tutuusin, hindi naman garantiya na kapag naisapribado ito ay matitigil na ang korupsiyon at hindi rin tiyak na mas bubuti ang serbisyo sa publiko.
Bantayan natin ang mga nakaambang katiwalian sa kung kanino at sino ang mga mananalo sa kontratang ito na aabot sa bilyong piso.
Sa ngayon nga, hindi pa maipaliwanag ng gobyerno kung saan napupunta ang pondo mula sa road users tax na naunang nababalutan din ng anomalya at paglulustay ng ilang opisyal sa nasabing pondo.
Dahil dito, kailangang mapigilan ang planong ito at dapat ay maging mapagbantay ang lahat dahil sa nakaambang perwisyong ito sa tumbayan.
- Latest