^

Punto Mo

‘Lihim hanggang libingan’

- Tony Calvento - Pang-masa

AKALA mo alam mo na ang lahat tungkol sa taong mina­hal mo buong buhay, magugulat ka na may kalansay palang nakabaon sa baul.

“Sa burol ng aking asawa may bigla na lamang dumating. Nagpakilala ito bilang asawa ng asawa ko!” wika ni May.

Nag-aaral pa lamang si May Flores, 52-taong gulang, nakatira sa La Union nang makilala niya si Mario Flores noong 1982. Kwento ni May bente-anyos pa lamang siya nung panahong yun. ‘Traffic enforcer’ si Mario at tuwing tatawid siya ay binibigyan siya ng prayoridad nito. Mas naging malapit ang dalawa dahil magkaklase ang kanyang kapatid at ang kapatid ni Mario.

“Napapansin ko ng may gusto siya sa akin. Pagkaraan pumupunta na siya sa bahay. Matagal din siyang nanligaw. Nung makatapos ako saka ko siya sinagot,” pahayag ni May.

Mabait, maginoo at gwapo, ito ang mga katangian na nagustuhan ni May sa kanya. Hulyo 11, 1985 nang ikasal ang dalawa sa Tarlac. Minsan daw umaalis itong si Mario ngunit sa kanilang bahay pa rin ang uwi. Naging maayos naman ang pagsasama nilang mag-asawa. Nagretiro  ito noong Disyembre 2004. Malaki rin ang nakuha nitong pera at inilaan nila ito sa kinabukasan ng mga anak. Sa pag-aaral ng mga bata nila nagamit ang nakuha nilang pera at sa pang-araw-araw na gastusin. Med-tech at nurse ang tinapos ng dalawa nilang anak.

“Nung tumatanda na siya, ayaw niyang magpatingin sa doktor. Hindi namin alam kung may nararamdaman siya. Wala siyang iniinom na gamot. Pebrero 16, 2014 inatake ang mister ko. Dinala namin sa ospital pero hindi na kinaya. Dead-on-arrival na siya,” pahayag ni May.

Sa burol ni Mario may bigla na lamang dumating. Nagpakilala ito bilang unang asawa ni Mario. Nagulat si May sa kanyang natuklasan dahil nang tumira sila sa poder ni Mario ay wala namang dumadalaw na anak o asawa sa kanila. Buong panahon na magkasama sila ay nasa isipan niyang siya lamang ang asawa at pinakasalan nito. Kasama rin nito ang mga anak sa nagpakilalang unang asawa.

“Nakausap ko ang mga anak niya at sinabing ang mama nila ang may kasalanan kung bakit sila naghiwalay. Nalaman ko rin na may iba nang asawa ang babae,” pahayag ni May.

Nang magkaroon ng kopya ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) ni Mario si May ay napatunayan niya na talagang nagkaroon ito ng unang asawa.  Sa kabila ng katotohanang ito si May din ang nakakuha ng burial benefits ni Mario sa GSIS. Sa Armed Forces and Police Savings & Loan Association, Inc. (AFPSLAI) ay walang nakuha si May dahil ang unang asawa ang kinilala ng mga ito.

“Nalaman ko na lamang pagkaraan sa mga hipag ko na tumatanggap pala ng pensiyon yung unang asawa. Nagpasa ako ng mga requirements na hinihingi nila pero dun pa din ang bagsak ng pensyon,” salaysay ni May.

Nais ni May na malaman kung may karapatan ba siyang makakuha ng pensiyon mula sa kanyang asawa.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni May.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kasal ni May at ni Mario sa una pa lang ay wala na itong bisa (void ab initio) sapagkat may unang pinakasalan si Mario. Dahil sa kanyang pagkamatay nahuga­san ang kanyang ‘criminal liability’. Tungkol sa pensyon, ang unang asawa ang legal na ma­aaring kumuha nito. Kahit magpasa pa ng ilang dokumento si May mas pa­panigan pa rin ang unang pinakasalan. Ang maaaring gawin ni May ay subukang mag-apela kahit para na lamang sa kanilang mga anak.

Bilang tulong kay May at upang malaman niya kung anong hakbang ang maaari niyang gawin, ini-refer namin siya sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Director Perla Duque. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Makinig din kayo ng progra­mang “PARI KO” tuwing Linggo sa DWIZ 882 KHZ. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jayson Laguerta at Fr. Lucky Acuna.

Sa mga taong may problemang medikal, walang kakayahang magpagamot, maaari rin kayong lumapit sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”, sa parehong address:  5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City, Lunes hanggang Biyernes 9:00 ng umaga.

Huwag n’yo kalimutang magdala ng photocopy ng inyong ‘Updated Medical Abstract’. Mapapakinggan ang programang “PUSONG PINOY” tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga, sa DWIZ 882KHZ, AM BAND.

ASAWA

LEFT

MARIO

PASIG CITY

SHAW BLVD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with