Band-aid solution na ‘express bus’
UMARANGKADA na kahapon ang ibinibidang 50 unit ‘express buses.’
Ito ’yung ipinagmamalaki ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Transportation Office (DOTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Solusyon daw para mapaluwag ang pangunahing lansangan. Hihikayatin daw nila ang ang mga car owner na sumakay na lang dito.
Dahil palala pa nang palala ang trapiko sa bansa, ito ang naisip nilang ‘band-aid solution.’
Hindi yata alam ng mga kolokoy na namumuno sa DOTC, LTFRB at MMDA na lalo lang itong magdadagdag-sikip sa lumiliit na lansangan.
‘Express’ bus ang tawag nila sa air-conditioned, wifi ready at exempted sa coding na mga sasakyan na ito. Pero para sa akin, dapat tawagin na lang na ‘comfy’ o ‘comfortable buses.’
Kung pagbabasehan kasi ang Tagalog na kahulugan, ang express ay walang sagabal, dire-diretso, mabilisan at agarang makakarating ang pasahero sa paroroonan. Sa kalagayan ng lansangan sa Metro Manila, siguradong hindi na ito express. Tsk…tsk!
Kaya kung mayroon mang dapat ilunsad at ipatupad ang mga nabanggit na ahensya, ito ay ang carpooling.
Matagal ko na itong sinasabi sa aking programang BITAG Live pero para silang mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan lang.
Magkaroon ng carpool lane o sariling daanan ang mga sasakyang may tatlong sakay pataas. Istrikto itong babantayan tuwing rush hour. Insentibo ito ng mga motorista bilang pagsunod sa bawas-trapiko.
Sa buhul-buhol na trapiko araw-araw, tapos nadagdagan pa ngayon ng mga 50 unit buses ang mahabang parking lot na EDSA, ewan ko lang kung tatawagin pang express buses ang mga ’yan!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest