Pinakamaliit na itlog sa mundo, sinlaki lang ng barya
ANG pinakamaliit na itlog sa mundo ay nanggaling sa isang manok na pag-aari ng isang pamilya sa United Kingdom.
Bumili si Keith Bacon ng isang manok upang magkaroon sila ng regular na supply ng itlog araw-araw at upang may mapaglibangan din ang kanyang dalawang anak na babae.
Kaya naman hindi niya inaasahan na panggagalingan ng isang world record ang manok na nangitlog nang halos kasinlaki ng isang barya.
Isang pulgada lang ang lapad ng itlog at ayon kay Keith, sigurado siyang mas maliit ito sa world record holder na kinikilala ng Guinness World Records. Hinanap kasi niya sa Internet kung gaano ba kalaki ang world record holder at napag-alaman niyang isa’t kalahating pulgada ang lapad ng itlog na nakatala sa Guinness kaya may kumpiyansa siyang ang itlog niya ang tatanghalin bilang bagong world record holder.
Hindi naman sigurado si Keith at ang kanyang pamilya kung anong gagawin nila sa pinakamaliit na itlog sa mundo. Masyado kasing maliit ito para kainin dahil wala pang isang kutsara ang laman nito.
Sa ngayon ay iniintay pa ni Keith at ng kanyang pamilya ang opisyal na pagtatala ng Guinness World Records sa kanilang itlog bilang pinakamaliit sa buong mundo.
- Latest