Pinakamalaking pagi sa mundo, 14 feet ang haba
ISANG dambuhalang pagi (stingray) na nahuli sa Thailand ang sinasabing pinakamalaki sa buong mundo.
Ang pagi, na tinatayang aabot sa 14 talampakan ang haba, ay nahuli sa Maeklong River sa Thailand ng Amerikanong si Jeff Corwin na isang conservationist o isang kumikilos para pangalagaan ang kalikasan.
Dalawang oras ang inabot ng grupo ni Jeff bago nila nabingwit ang higanteng pagi. Gumamit lamang kasi sila ng isang simpleng pamingwit kaya nahirapan silang hulihin ito.
Sa bigat ng pagi ay kinailangang magtulung-tulong ng 7 tao para lamang maiahon ito papunta sa kanilang bangka.
Ayon kay Jeff, isang uri rin ng isda ang pagi kaya malamang na makuha rin ng kanilang nabingwit ang record bilang pinakamalaking pagi na nahuli sa isang ilog. Maaring ang pagi rin nila ang pinakamalaking nahuli na gamit lamang ang simpleng pamingwit.
Sinasabing mga babaing pagi ang madalas na nagiging dambuhala at napatotohanan nga ito ng nahuli nina Jeff na isang babae at buntis pa.
Ginawa namang isang dokumentaryo ang naging karanasan ni Jeff at ng kanyang mga kasama sa paghuli sa higanteng pagi. Ipapalabas ito sa katapusan ng taong ito sa isang sikat na istasyon na nagpapalabas ng mga programang tungkol sa kalikasan at wildlife.
- Latest