Taga-Makati litung-lito na!
Hindi lamang ang mga negosyante kundi maraming residente sa Makati City ang umaapela na sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na mamagitan at resolbahin na ang nagaganap na political crisis sa lungsod sa pagkakaroon ng dalawang nakaupong mayor dito.
Aba’y litung-lito na raw ang mga negosyante at maging ang mga ordinaryong mamamayan lalo na naglalakad ng mga dokumento sa lungsod, dahil sa hindi nila malaman kung kanino sila magpapapirma at kung kaninong pirma ang masasabing tanggap at may katuturan.
Nagdudulot na umano ng kalituhan sa mga taga-Makati ang nangyayaring dalawa ang nakaupong Mayor sa katauhan ni Mayor Junjun Binay at ang nanumpang Bise-alkalde na si Kid Peña.
Iba’t iba ang interpretasyon ng magkabilang panig, meron pang mga ahensya na umaayon sa isa, ang ilan sa isa naman kaya lalong hindi malaman ng mga mamamayan dito, kung sino ang tama.
Bukod pa nga sa ganitong nangyayari, sunud-sunod pa ang mga kasong naisasampa, hindi pa nga malinaw ang isa, madaragdagan pa uli ng panibagong kalituhan.
Sa ngayon, masasabing maging ang paligid ng city hall ay hindi maituturing na normal, dahil nga sa dalawa ang mayor.
Sana naiisip din ng mga ito, na may pinaglilingkuran silang constituents na gulong-gulo sa nangyayari.
Dapat isinasantabi na siguro ang mga personal na interes kundi ang gawing prayoridad ay ang sinumpaan nilang paglilingkod sa taumbayan.
- Latest