‘Mga libreng pautot ng mga trapo’
NAKASANAYAN na ng publiko na tuwing tag-araw, maraming “libre”.
Mga libreng-serbisyo publiko kuno ng mga pulitikong kawatan at mababantot. Sapol dyan lalo na ang mga nasa lokal na pamahalaan.
Kung ano-anong pautot. Sumasabay sa panahon. Inaalam kung ano ang “in” at kung ano ang magiging mabenta.
Tulad nitong papasok na namang summer. Siguradong ngayon palang, mapupuno na namang parang sampayan ang lansangan.
Kabi-kabila na naman ang mga tarpaulin ni talpulano at talpulanang kawatan na nagpapalakihan ng sukat na parang mga basura.
Mag-aalok ng mga libreng tuli, libreng pakain, libreng tsinelas, libreng pasayaw, libreng family day na sponsor daw ni konsehal kumag, kapitan kolokoy o di naman kaya si Mayor kenkoy.
Ang mga botanteng nasasakupan o constituent, sasamantalahin naman ang mga “libre.” Sinanay din kasi ng mga trapong pulitikong ito ang publiko sa ganitong estilo. Depende sa panahon at kung ano ang uso.
Lalo na at malapit na naman ang eleksyon. Pinapaalalahanan ang taumbayan na huwag papadala sa mga panggogoyo ng mga ‘basahan’ sa gobyerno.
Kung talagang pilit kayong ini-engganyo na lumahok o sumama sa kanilang mga pautot na proyekto, tanggapin ninyo pero huwag ninyo silang iboboto.
Hindi nakasalalay sa kung anong “libre” ni konsehal, kapitan, Sangguniang Bayan, Vice Mayor, Mayor at ng iba pang mga opisyal mapa-lokal man o nasyunal ang boto ng taumbayan.
Maging matalino. Huwag papauto at papatsubibo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest