Alibi ng mga Binay
SUMISIGAW ng pagbatikos ang kampo ng pamilya Binay na anila’y pinulitika na naman sila kasunod ng pagsuspinde kay Makati City Mayor Junjun Binay kaugnay ng umano’y maanomalyang proyekto sa Makati Parking Building 2.
Ayon kay Mayor Binay, masyadong ginigipit daw ang kanilang pamilya upang idiskaril ang ambisyon ng kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay na maging presidente.
Tiniyak din ni Mayor Binay na hindi siya bababa sa puwesto at gagawin ang lahat ng pamamaraan upang pigilan ang kautusan ng Ombudsman na masuspinde siya ng anim na buwan.
Sa ngayon, naghain na ang abogado ni Mayor Binay ng petisyon sa Court of Appeals upang makahirit ng temporary restraining order (TRO) at mapigilan ang suspension order.
Ayon naman kay Senator Nancy Binay, bahagi ng Oplan Nognog ang pagsuspinde sa kanyang kapatid at nais lang na sirain ang pagnanais sa paglilingkod ng kanyang ama na maging presidente.
Naniniwala si Senator Nancy na pinag-initan daw sila ng Ombudsman dahil nasa kampo sila ng oposisyon.
Ayon pa sa senador, mabilis daw umaksiyon ang Ombudsman sa kaso ng nasa oposisyon.
Pero nakakalimutan yata ng senador na may inaksiyunang kaso ang Ombudsman na kilalang kakampi at kaibigan mismo ni President Noynoy Aquino at ito ay sa katauhan ng nagbitiw na PNP chief Director General Allan Purisima.
Malinaw na ang pagsuspinde kay Purisima na hindi lang ang nasa oposisyon ang inaaksiyunang kaso ng Ombudsman.
Samantala, naunang sinasabi ng mga Binay na dalhin sa tamang forum o venue ang mga kaso at ngayon ay nasa Ombudsman na pero bakit inaangalan pa rin at sinasabing ito ay pulitika lang?
Ang pinaka-importante ay ipaliwanag ni Mayor Binay at may karapatan siyang idepensa ang sarili upang patunayan na walang anomalya sa proyektong Makati Parking Building 2.
- Latest