EDITORYAL - Isumbong, taxi drivers na hindi magro-rollback ng P10
MARAMING abusado at mandarayang taxi drivers. Iilan na lamang sa kanila ang matitino at sumusunod sa batas. Kaya dapat maging alerto ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para madakma ang mga taxi drivers na hindi sumusunod sa regulasyon, gaya ng ipinag-uutos na rollback ng P10 sa flag-down rate. Kailangang ipatupad ang batas at ang sinumang mahuli na hindi ipinatutupad ang rollback ay pagmultahin o kaya’y bawian ng prankisa. Dapat turuan ng leksiyon ang mga driver at kanilang operators. Kapag hinayaan ang mga abusado at mandaraya, kawawa naman ang publiko. Dapat bigyan ng ayuda ang riding public na lagi na lamang binu-bully ng mga taxi driver.
Gusto ng mga taxi driver na maisahan ang mga pasahero kaya maraming ayaw mag-rollback. Marami silang dahilan at katwiran kaya ayaw mag-rollback. Hindi nila naiisip na kung wala ang publiko, hindi sila mabubuhay. Sa publiko sila umaasa kaya patuloy na tumatakbo ang kanilang negosyo. Huwag nilang mahalin ang mga pasahero at darating ang araw na walang sasakay sa kanilang taxi. Kamumuhian sila ng mga pasahero at maaaring bumagsak ang pinagkakakitaan.
Tuwing Disyembre na panahon ng shopping, maraming taxi driver ang namimili ng pasahero. Gusto nila sa lugar na hindi matrapik. Tinatanggihan nila kahit may edad na ang pasahero at maraming dala-dalahan. Hindi sila nakokonsensiya kahit buntis ang pasahero o kaya’y disabled. Wala sa kanila ang pagkaawa sa kapwa at tanging sila ang nasusunod. Bihira na ang mga taxi driver na marunong mahabag sa nahihirapang pasahero.
- Latest