Pag-atake ng ‘Dugo-dugo’
SA mga eksklusibong subdibisyon kung saan ang mga nakatira ay mayayaman, mataas ang posibilidad ng pag-atake ng “Dugo-dugo” gang.
Mga sindikato na gumagamit ng mga taktika at estilo para makakulimbat ng pera. Gasgas na ang modus na ito pero, marami pa rin ang nabibiktima.
Hindi pipitsuging indibidwal o pamilya ang target ng mga putok sa buho. Mababa na ang daang libong piso kapag sila ay tumira dahil misyon talaga ng mga kolokoy makakubra ng mga alahas, gamit at pera.
Naisasagawa nila ang modus sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono. Tinityempo nilang katulong ang makakasagot ng tawag sa kanilang nirorondahang bahay. Ibig sabihin, bago pa umatake ang mga talpulano nakapag-manman na sila sa lugar.
Boladas ng mga kawatan, nadisgrasya raw ang amo ng katulong, nasa ospital at kailangan nang malaking halaga para makabayad ng hospital bills. Dahil salat sa kaalaman ang hindi na magkandaugagang katulong napapasunod nalang sa dikta ng kausap sa telepono.
Kapag nalimas na ang mga pera at alahas ng mga amo sa mga pinagtataguan, ba-brasuhin agad ng mga kolokoy na makipagkita ang pobre para maiabot raw mismo ang mga ari-arian sa kaniyang amo.
Sa ganitong senaryo, sinisilip ng mga awtoridad ang anggulo na posibleng kasapakat ng mga sindikato ang nakipag-usap na katulong.
Kaya suhestiyon ng BITAG sa mga amo, bigyan ng sariling cell phone ang mga katulong sa bahay at payuhan na doon lamang ninyo sila kokontakin o tatawagan.
Mag-ingat, mag-ingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest