‘Rotating brownout dahil sa kapalpakan at kapabayaan’
RAMDAM na ang pagtaas ng temperatura. Ilang araw na lang tag-araw na. Paalala ng BITAG sa publiko, bumili na kayo ng mga generator set bago pa man magtaasan ang presyo sa merkado.
Mismong ang gobyerno na ang nagbabala, magkakaroon ng malawakang rotating brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular sa Luzon.
Ayon kay Energy Secretary Jericho Petilla, sanhi ito ng mga matatanda at luma ng planta na nagsusuplay ng elektrisidad.
Hindi nila ito nakita o posibleng nakita na dati pa pero hindi pinagtuunan ng atensyon bagkus ipinagwalang-bahala lang.
Ngayong papatapos na ang termino ng kasalukuyang administrasyon saka lang sila nagkukundamahog at nagkakandaipot-ipot sa paghagilap ng solusyon.
Pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Noy Aquino ang nakikita nilang solusyon na hanggang ngayon pinagdedebatehan pa rin sa Kongreso.
Kaya habang wala pang konkretong band-aid solution sa problema sa elektrisidad, nagpauna na ang Malakanyang.
Sinabi ni Palace Deputy Spokesperson Abigael Valte, para hindi masyadong maperwisyo ang publiko, ii-schedule at ia-anunsyo daw nila ang rotating brownout. Hindi rin naman daw ito araw-araw.
Kaya ngayon palang bago pa magsulputang parang mga kabute ang mga mapagsamantala, bumili na kayo ng mga generator set ninyo. Para kahit papaano makapag-electric fan man lang kayo, makapanood ng TV, may aircon at malamig na tubig sa refrigerator. Iwas-heat stroke.
Hindi nagtutulak o ahente ng anumang uring gen set o makinarya ang BITAG. Kabahagi lamang ito ng aming serbisyo-publiko at sana magising na ang mga palpak at pabaya sa gobyerno.
Abangan ang Bitag Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest