Negosyante sa Amerika, kumikita sa pagbebenta ng snow sa maiinit na lugar
ISANG entrepreneur sa Boston ang pinagkakakitaan ang matinding taglamig sa nasabing siyudad sa pamamagitan ng pagbebenta ng snow sa mga lugar sa United States na mainit at hindi inuulan ng niyebe.
Itinayo ng negosyanteng si Kyle Warring ang ‘Ship Snow’ matapos ulanin ng 8 talampakang niyebe ang Boston. Dahil para sa kanya ay makasaysayan ang matinding pag-ulan ng snow sa siyudad ay naisipan niyang ipagbenta ang mga snow sa mga taong nakatira sa maiinit na lugar at sa mga hindi pa nakakakita nito. Dagdag pa ni Kyle na paraan niya rin ito upang mabawasan ang napakaraming niyebe na nasa paligid ng kanyang bahay.
Ipinagbebenta ni Kyle ang snow sa halagang $20 (halos P900) kada bote. Ipinagbebenta niya rin ito kada kahon na naglalaman ng 6 hanggang 10 bote sa halagang $89-$119 (humigit-kumulang P4,000-5,000). Ipinapangako naman niyang matatanggap ng umorder ang mga snow sa loob ng 20 oras.
Bagamat hindi nila ipinapangako na hindi matutunaw ang mga snow pagkarating sa destinasyon ng mga ito ay sinisigurado naman ni Kyle na ginagawa niya at ng kanyang kompanya ang lahat nang paraan para mapanatili ang pagiging yelo ng snow na kanilang idedeliber.
Kumita na si Kyle sa kanyang kakaibang negosyo dahil sa ngayon ay lampas sa 100 na ang umoorder ng mga bote ng snow mula sa iba’t ibang parte ng US.
- Latest