EDITORYAL – Sisihin ang DTI at LTFRB!
NOONG nakaraang taon, nag-rollback ng P13 ang gasolina at P15 naman ang diesel. Pero sa kabila nang malaking rollback, 50 sentimos lamang ang nabawas sa pasahe sa dyipni. Ang pasahe sa bus at taxi ay ganun pa rin kaya ang bus at taxi operators lamang ang nakatikim ng biyaya. Kasalanan ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi umaksiyon para mapababa ang pasahe sa bus at taxi. Kawawa ang mga pasahero na tiniis ang dati pa ring pasahe.
Ngayo’y umaarangkada na naman ang sunud-sunod na pagtaas ng gasoline at diesel. Mas mabilis magtaas kaysa mag-rollback. Pinatikim lamang ang mga motorista sa malakihang rollback noong nakaraang taon at agad nang binawi ngayon. Nakakatatlong oil price hike na sa taong ito. Kung bigtime ang pag-rollback, mas bigtime ang increase na umaabot sa mahigit P2.
Hindi lamang LTFRB ang kukupad-kupad sa pagpapatupad ng pag-rollback ng pamasahe, mas makupad ang Department of Trade and Industry (DTI) na ang nai-rollback lang na presyo ay para sa noodles, kape at asin. Ano bang klaseng tanggapan ito na mabagal magpatupad ng pag-rollback sa pa-ngunahing bilihin.
Hindi ba nararamdaman ng DTI na maraming Pilipino ang naghihigpit ng sinturon at kulang na lamang ay huwag kumain dahil sa pagtitipid. Hindi kasi magkakasya ang karampot na kinikita. Wala na bang pakiramdam ang DTI sa mga kababayang mahihirap na nagba-budget? Wala na bang paki sa nararanasang kahirapan ng buhay sa kasalukuyan?
Ni hindi nagbago ang presyo ng sardinas at bigas. Dapat ang dalawang produktong ito ang ibinaba ang presyo sapagkat pagkain ito ng mga karaniwang mamamayan.
Ngayong sunud-sunod na naman ang oil price increase, malabo nang maibaba ang mga panguna-hing bilihin at pasahe. Sisihin ang DTI at pati LTFRB sa nangyayaring ito. Sila ang dapat managot kung bakit hindi natikman ng mamamayan ang biyaya ng oil price rollback.
- Latest