Mga lasenggong oso sa Russia, kinailangan nang I-rehab
IPINAG-UTOS ng isang korte sa Russia ang pagsasailalim sa rehabilitation ng dalawang oso na pinaniniwalaang naging lasenggo dahil sa kapabayaan ng kanilang amo.
Pag-aari ng isang restaurant owner ang dalawang oso na ikinukulong nito sa isang malaking hawla na puno ng basura. Naging lasenggo ang mga oso dahil hinayaan ng amo ang mga bisita ng restaurant na painumin ng alak ang mga nasabing hayop. Nagdahilan naman ang amo ng mga oso sa pagsasabing nakakabuti ang mga nakakalasing na inumin para sa kanyang mga alaga dahil sa tindi ng lamig sa Russia.
Hindi ito tinanggap ng korte na nagpasyang ipag-utos ang paglilipat ng mga oso sa isang bear sanctuary sa Romania kung saan maalagaan silang mabuti at magagamot ang kanilang pagkahilig sa mga alcoholic na inumin.
Ngunit sa kabila ng utos na ito ng korte ay nanatili pa rin sa kamay ng restaurant owner ang dalawang oso. Kailangan pa kasing ayusin ang papeles ng mga ito bago sila maipadala sa Romania. Isa pang dahilan ang mahal na gastusin sa paglilipat sa mga oso kaya naman nangangalap na ng donasyon para rito ang isang grupo sa Russia na nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop.
- Latest