EDITORYAL - Pumalpak na naman!
KAHAPON ng umaga, panibagong kalbaryo na naman ang naranasan ng mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT). Tumirik na naman ang MRT at napilitang bumaba ang mga pasahero. Ayon sa management ng MRT, nagkaaberya ang isang train (south bound) pagsapit ng Gil Puyat Avenue Station. Ayon sa management, breaking indication ang nakita nilang dahilan kaya tumigil ang MRT. Inilipat ang mga pasahero sa ibang train pero marami sa kanila ang atrasado na sa kanilang pupuntahan.
Bubuti pa ba ang serbisyo ng MRT? Hindi na. Dapat palitan nang lahat ang mga train para maserbisyuhan ang libong pasahero araw-araw na umaasa sa MRT. Pero tila walang balak ang pamahalaang Aquino na iprayoridad ang kapakanan ng mga umaasa sa MRT. Walang ginagawang hakbang sa kabila na araw-araw ay palpak ang serbisyo ng MRT.
Noong nakaraang linggo, maraming pasahero ang nasugatan nang biglang magpreno ang isang train. Halos magliparan ang mga pasahero dahil sa lakas ng preno. Dahil dito, nagpaalala si MRT general manager Roman Buenafe sa mga pasahero na humawak nang mahigpit sa hand rails para hindi mapasubsob o matumba kapag nagkaroon ng biglaang preno.
Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang aberya ng MRT at isa sa matinding nangyari ay nang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Kasunod niyon ay ang hindi mabilang pang aberya gaya nang biglang pagbukas ng pinto habang tumatakbo at ang pag-usok ng bagon na naghatid ng takot sa mga pasahero.
Pero sa kabila ng mga aberya, walang pagkilos sa pamahalaan para mapabuti ang serbisyo at sa halip, nagtaas pa ng pasahe noong Enero.
Hindi ba nakokonsensiya ang MRT management na nagtaas pa sila ng pasahe pero pawang aberya ang pinalalasap nila at binabangas pa ang mga mukha dahil sa biglang preno. Magising sana ang gobyerno sa nangyayaring kapalpakan sa MRT.
- Latest