Kauna-unahang retirement home para sa matatandang pusa, binuksan sa England
ANG Lincolnshire Trust of Cats na nasa England ay isang charity na nagpapatakbo ng isang kakaibang tirahan para sa mga pusa. Kakaiba ang tirahan dahil sinasabing ito ang kauna-unahang retirement home para sa matatandang pusa sa mundo.
Sa kasalukuyan, nasa 80 mga matatandang pusa ang inaalagaan ng Lincolnshire Trust. Ibinibigay sa mga pusa ang lahat ng kanilang kailangan upang maging komportable ang kanilang mga nalalabing araw.
Ayon sa mga nagpapalakad ng ‘retirement home’, binuksan nila ito dahil nakakaawa ang mga matatandang pusa na inaabandona ng kanilang mga amo. Bagamat maraming kumukupkop sa mga pusa ay madalas hindi pinipili ng mga nag-aampon ang mga matatanda na kaya palaging ang mga may edad na pusa ang nanatiling abandonado at walang amo.
Kaya naman itinatag nila ang Lincolnshire Trust na maninigurado na magiging masaya at komportable ang buhay ng mga matatandang pusa. Malawak ang kanilang lugar at kumpleto sa mga gamit na katulad ng heater upang hindi lamigin ang mga pusa. Mamahaling pagkain din ang ibinibigay nila sa mga ito.
Bukod sa pagkupkop ay tumatanggap din sila ng mga matatandang pusa na hindi na kayang alagaan ng kanilang mga amo. Kailangan nga lang magbayad ng $1,300 (humigit-kumulang P45,000) para sila na ang mag-alaga sa pusa. Sagot na ng nasabing halaga ang lahat ng kakailanganin ng alagang pusa habang ito’y nabubuhay.
- Latest