Itlog na may aroma ng prutas, patok sa Japan
ISANG bagong klase ng itlog ang ipinagbebenta ngayon sa Japan. Sa kabila kasi ng pangkaraniwang itsura ng mga ito ay nagtataglay ang mga ito ng mabangong amoy.
Tinaguriang yuzu tama, na ang ibig sabihin ay yuzu eggs, ang mga itlog ay may aroma ng prutas na yuzu na makikita sa Japan. Maihahalintulad ang yuzu sa orange na malapit na kamag-anak nito. Napili ng mga unang nakaisip na gumawa ng yuzu tama ang nasabing prutas dahil sa mabangong aroma nito at dahil sa pagkakaroon nito nang malaking bahagi sa kultura ng mga Hapones.
Hindi naman dapat mag-alala ang sinumang gustong sumubok ng yuzu tama dahil walang dinagdag na kemikal sa mga itlog upang mag-amoy prutas ang mga ito. Para mag-amoy prutas ang mga itlog ay pinakain ang mga nangingitlog na manok ng napakaraming balat ng yuzu. Ang resulta nito ay mga itlog na walang pinagkaiba ang panlabas na anyo sa mga pangkaraniwang itlog ngunit may umaapaw na aroma ng prutas.
Ayon sa mga nakasubok ng kumain ng yuzu tama ay mas malakas pa raw ang mabangong aroma nito kapag nabuksan na ang itlog. Mas matamis din ng bahagya ang lasa nito dahil sa balat ng yuzu na ipinakain sa nangitlog na manok.
Karaniwang ipinagbebenta ang kalahating dosena ng yuzu tama sa halagang 500 yen (katumbas ng P180).
- Latest