Lalaki, lumangoy sa nagyeyelong karagatan sa Antarctica na trunks lang ang suot
ISANG Amerikano ang nakagawa ng world record matapos languyin ang karagatan na malapit sa Antarctica na ang suot lang ay swimming trunks.
Nilangoy ni Lewis Plugh, isang environmental advocate, ang nagyeyelong karagatan bilang bahagi ng kanyang kampanya para sa kalikasan. Layunin niyang makakuha ng atensyion sa lumalalang polusyon sa mga karagatan sa buong mundo kaya niya pinili ang paglangoy sa may Antarctica.
Hindi naman bigo si Lewis dahil bukod sa pagpukaw ng atensyon ng publiko ay nagawa rin niyang makamit ang isang bagong world record sa paglangoy sa Antarctica.
Mas nakakamangha pa kung malalaman na nagawa ni Lewis ang lahat ng ito ng walang suot na anumang espesyal na kagamitan upang maprotektahan siya mula sa nagyeyelong temperatura ng tubig. Swimming trunks lang ang suot ni Lewis sa makasaysayang paglangoy.
Aminado si Lewis na hindi naging madali ang kanyang paglangoy. Namanhid daw ang kanyang katawan lalo na ang kanyang mga daliri nang nakalangoy na siya ng 300 metro. Nakaramdam din daw siya ng napakatinding sakit sa katawan dahil sa napakalamig na temperatura. Kaya naman agad siyang nag-shower sa mainit na tubig sa loob ng isang oras matapos lumangoy.
Hindi nagtatapos sa paglangoy sa nagyeyelong karagatan ng Antarctica ang paglaban ni Lewis para sa mga karagatan ng mundo. Plano ulit niyang languyin ang mga dagat malapit sa baybayin ng Antarctica upang makapagkamit ulit siya ng iba pang world-breaking records at makapagbigay inspirasyon sa iba para sa pangangalaga ng kalikasan.
- Latest