‘Suntok sa buwan na anti-crime workshop’
CRIME BUSTER ang programang BITAG. Kung kriminalidad ang pag-uusapan, espesyalidad ito ng aming grupo.
Kaya nga kahapon, nakatawag ng aking pansin ang anunsyo sa isang malaking dyaryo. Isang grupo na hindi ko na babanggitin ang pangalan, hinihikayat ang publiko na dumalo daw sa kanilang 1-day comprehensive workshop.
Para daw ito makaiwas sa iba’t ibang krimen at hindi mabiktima ng mga masasamang-loob lalo na ang mga residente sa Metro Manila. Wala namang masama dito.
’Yun nga lang, ‘di tulad sa BITAG na regular nagbibigay ng mga libreng anti-crime tips, itong seminar na ito, may bayad. P3,500 kada isang magpapa-rehistrong dadalo.
Ang problema, mahal na nga, hindi pa kilala ang mga talpulanong nagtutulak nito. Tago ang kanilang identidad sa nasabing anunsyo. Hindi rin nakasaad sa patalastas ang kanilang espesyalidad. Pero malinaw na ito ay isang negosyo.
Palagay yata kasi nila, eksperto sila at ganun na sila kagaling sa pagbibigay ng mga anti-crime tips. Na sa isang araw lang, matututo na ang mga dumalo sa nasabing workshop.
Maliban dito, hindi rin malinaw kung may ugnayan sila at koordinasyon sa mga law enforcement agency partikular sa Philippine National Police (PNP). Lalo pa tuloy kwestyunable ang kanilang integridad at kredibilidad.
Kung sa larangan ng kriminalidad at pag-iimbestiga rin lang ang pag-uusapan, mabuti sana kung katulad sila ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD – CIDU) kahit doon man lang sa ginawang paghuli sa ngayo’y patay nang serial molester, serial rapist at holdaper na si Mark Soque. Nang sa gayun, makaiwas nang mabiktima pa ang mga dadalo sa kanilang workshop.
Pinag-aralan ng CIDU ang bawat kilos at galaw ng putok sa buhong suspek. Inalam ang kanyang mga tinitirang establisemento, profile ng kanyang mga binibiktima maging ang kanyang estilo at iniiwang tatak.
Lahat ng aktibidades ng demonyo sa lupang si Soque na ito, naidokumento ng BITAG. ’Yan ang episode na dapat abangan sa Sabado. Matututo pa kayo. Libre, walang bayad.
Kaya sa mga grupong “wanna be” na gustong kumita at pera-pera lang ang habol na sasabihin pang workshop, training, seminar at kung anu-ano pa para makaiwas daw sa krimen, magsitigil nga kayo. Baka sa halip na matuto, uutuin n’yo lang ang mga dadalo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest