‘Barya-baryang pondo kontra ilegal na droga’
TAON-TAON, tumataas at lumalawak pa ang underground industry ng ilegal na droga sa bansa.
Sa huling datus ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 92 porsyento na ng mga barangay sa Metro Manila, napasok na ng nasabing industriya. Namamayagpag dahil mayroong demand at supply.
Puspusan ang kampanya ng gobyerno kontra rito. Subalit, ang pondong nakalaan, kulang. Ramdam ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police-Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at National Bureau of Investigation (NBI).
Nakita at naidokumento rin mismo ito ng BITAG sa mga operasyong sinasamahan ng aming grupo. Ang mga operatiba, nagpupursige sa pakikipag-giyera sa mga sindikato sa kabila ng kakulangan sa pangangailangan, kagamitan at teknolohiya.
Ngayong 2015, P1.47 bilyon ang nakalaang Intelligence at Confidential Fund (ICF) ng gobyerno. Sa bilyong halagang ito, madagdagan man lang sana ang barya-baryang pondo ng mga nasabing ahensya.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang sa kalahating bilyon lang ang pondo ng PDEA habang P36 milyon naman sa PNP-AIDSOTF.
Bilang investigative team na laging nakakasama ng mga operatiba sa operasyon, sana makita at mapagtuunan ng pansin ng mga nasa lehislatura ang kalagayan nilang ito.
Bigyan ng atensyon at bigyan ng sapat na pondo ang mga ahensya na nagdedeklara ng giyera kontra droga.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest