EDITORYAL - Sunud-sunod na sunog
HINDI pa Fire Prevention Month pero parang ganito na ang nangyayari sapagkat sunud-sunod na ang nangyayaring sunog. Dapat siguro gawin nang Pebrero ang Fire Prevention Month para maimulat nang mas maaga ang taumbayan sa pag-iingat sa sunog.
Sa loob ng isang linggo, limang sunog ang naitala at mayroong mga namatay. Noong Miyerkules, isang sunog ang naganap sa Bgy. Catmon, Malabon City na ikinamatay ng isang dalawang taong gulang na bata. Ayon sa report, napabayaang kandila ang naging dahilan ng sunog.
Halos kasabay ng sunog sa Malabon, sumiklab din ang sunog sa Pasay City na naging dahilan para maabo ang may 400 bahay. Napabayaang kandila rin daw ang dahilan ng sunog.
Noong gabi ng Miyerkules, sumiklab din ang sunog sa kanto ng Recto Avenue at Abad Santos kung saan isang lumang school ang natupok at nadamay ang isa pang school na katabi. Wala namang namatay sa sunog.
Kahapon, dalawang sunog ang naganap at malagim ang nangyari. Tatlo ang namatay sa naganap na sunog sa Pio del Pilar, Makati. Ayon sa report, ang mga biktima ay nanunuluyan lamang sa isang apartment. Isang buwan pa lamang naninirahan ang mga ito sa apartment mula Baguio City. Isa sa mga biktima rito ay may nakatakdang kidney operation. Ayon sa report, napabayaang electric fan ang dahilan ng sunog.
Ang ikalawang sunog ay naganap malapit sa Tutuban Station sa Divisoria. Isang bodega ng tela ang nasunog. Wala namang namatay o nasugatan sa sunog.
Dapat magkaroon na ng kampanya ang Bureau of Fire Protection (BFP) para maimulat ang mamamayan na mag-ingat sa sunog. Ang pagpapaalala ay nararapat para makaiwas sa sunog. Magkaroon ng fire drill. Magkaroon ng inspeksiyon sa mga gusali, dormitory, boarding house, sinehan at iba pang establisimento. Tiyakin kung may fire exit ang mga ito. Alalahanin ang nangyaring sunog sa Ozone Disco na ikinamatay ng daang tao.
- Latest