3 sabay-sabay na bukang-liwayway, nasasaksihan sa isang siyudad sa Russia
NAMAMANGHA ngayon ang mga residente sa isang siyudad sa Russia dahil sa nasasaksihan nilang tatlong sabay-sabay na pagbubukang-liwayway.
Dahil dito, hindi magkamayaw sa pagkuha ng litrato ang mga nakatira sa Chelyabinsk sa animo’y tatlong araw na lumilitaw tuwing sasapit ang umaga. Kaya naman mabilis na kumalat ang mga larawan ng kakaibang tanawin sa social media dahil sa dami ng mga nag-upload nito sa Internet.
Mabilis namang naipaliwanag ng mga meteorologists ang pagkakaroon ng tatlong bukang-liwayway sa Chelyabinsk. Ayon sa kanila, dulot ito nang malamig na panahon sa siyudad na nagreresulta sa pagkakaroon ng ice crystals sa hangin. Napakaliit ng ice crystals kaya hindi sila makikita sa paningin lamang ngunit ang mga ito ang nagre-reflect ng ilaw mula sa araw kaya nagmumukhang may tatlong araw na sumisikat sa siyudad.
Hindi ito ang unang beses na may kakaibang pangyayari sa siyudad na dulot ng napakalamig na panahon. Isang linggo lamang bago namataan ang tatlong bukang-liwayway, namangha ang mga residente ng Chelyabinsk sa pag-ulan ng niyebe na kulay asul. Noong una, natakot ang mga tao sa pag-aakalang delikado ang mga kulay asul na snow ngunit napag-alaman na resulta lamang pala ito nang kumalat na food coloring sa hangin mula sa kalapit na pabrika.
- Latest