P-Noy, di-mapapatalsik dahil kay Binay
BAGAMAT lumalakas ngayon ang mga panawagan na magbitiw sa puwesto si President Noynoy Aquino, nahahaluan naman ito ng suwerte.
Ito ay dahil marami rin ang umaayaw sa posibleng hahalili sa kanya bilang presidente sa katauhan ni Vice President Jejomar Binay.
Gustong matanggal si P-Noy pero ayaw namang ang maupo at hahalili ay si Binay.
Ito ay sa gitna ng mga akusasyon ng katiwalian laban kay Binay na hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag nang husto.
Sa ngayon, patuloy na inuulan ng batikos si P-Noy dahil sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano na naka-enkuwentro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
May mga usap-usapan na bagamat wala pang magkumpirma na umano’y iniutos ng Presidente na huwag magresponde ang militar sa Mamasapano na tila isinakripisyo ang 44 commandos.
Ayon sa report, ayaw umanong madiskaril ang peace talks sa MILF na naka-enkuwentro ng SAF.
Kung magkakaroon nang malalim na imbestigasyon at mapatunayan ang alegasyong isinakripisyo ang 44, isa itong treason na maaaring magpatalsik sa Commander-in-chief.
Sa ngayon, may usap-usapan ng destabilisasyon upang mapatalsik umano si P-Noy subalit aabangan kung ito ay magtatagumpay.
Ayon sa ilang observer, napakaraming problema ang nalusutan ni P-Noy tulad sa hostage drama sa Luneta na ikinamatay nang maraming Hong Kong national, Disbursement Acceleration Fund at Yolanda tragedy pero antabayanan kung makakalusot siya sa Mamasapano tragedy.
Sa susunod na taon ay magdadaos na ng presidential elections at makakabuting hayaan na lang na matapos ni P-Noy ang kanyang termino.
Kung magkakaroon kasi ng pagbabago sa gobyerno, mapapalitan ang Presidente at makaaapekto nang malaki sa bansa gayundin sa ekonomiya at interes ng bawat Pilipino.
- Latest