‘Mga napana ni Kupido’
Dahil araw ng mga puso at pag-ibig, ito ang napili naming itampok sa aming pitak. KAPAG usapang pag-ibig, hindi ka mauubusan dahil iba-iba ang bawat istorya ng pag-ibig ng lahat sa atin.
Alamin natin kung paano sila tinamaan ng pana ni kupido. Unahin natin sina Jay Mar at Reysan Nabung, 27. Noong nakaraang Disyembre 2014 nila napiling magpakasal at sa Leighton Hall sa Lancaster, Cavite na isa sa itinayo ng Property Company of Friends (Pro-friends). Taong 2005 nang magkakilala ang dalawa. Nagpunta si Jay Mar sa bahay nina Reysan dahil kaklase nito ang kapatid nito. Nung panahong yun gumagawa ng proyekto ang babae at kinukulit nitong si Jay Mar. Suplada raw ito at diretsong magsalita; sinabihan pa siya ng “Close ba tayo?” Sa halip na panghinaan ng loob mas lalong nagustuhan ni Jay Mar si Reysan dahil kakaiba siya sa mga babaeng nakilala niya. Madalas barahin ni Reysan itong Jay Mar dahil ang dating sa kanya ay may konting ‘yabang’. Naging agresibo itong si Jay Mar at tinext yung babae. Halos tatlong buwan siyang niligawan nito. Siyam na taon silang naging magnobyo bago magpakasal. Parang naging magkabarkada raw sila kaya sila tumagal ng ganun.
“Nagkaproblema lang kami nung nagkatrabaho ako. Bihira kaming magkita dahil sa schedule,” kwento ni Reysan. Nasanay daw kasi silang araw-araw magkasama. Nanibago at nabawasan ang oras sa isa’t-isa. Nalampasan naman nila ito. Nung nagtagal ang kanilang relasyon, mas naging malapit sila sa isa’t-isa. Bumili sila ng bahay sa Pro-friends nung taong 2012. Magkalapit ang pinili nila. “Hindi pa naman kami sigurado nun na talagang kami na. Ang pamilya niya at pamilya ko ay magkaibigan din,” ayon kay Jay Mar.
Nung nasa Europe si Jay Mar nung nakaraang taon, itinuloy na nila ang matagal na nilang plano. Pagbalik niya sa Pilipinas yayayain na niya na magpakasal si Reysan. “Civil wedding muna dahil nais naming maging espesyal ang kasal sa simbahan,” pahayag ni Jay Mar. Dahil sa traffic at polusyon ng Maynila naging praktikal sila at lumipat ng Cavite sa bahay ni Reysan. Nung una aminadong nag-alangan si Jay Mar dahil kapag sinabing Cavite malayo. Nung nag-tour sila ay napansin niyang malapit lang ito. Dahil nagsisimula pa lang sila sa pagtatrabaho naghanap sila ng maaaring maging investment. Naisip nila ang bahay na magagamit nila panghabang buhay. Napili nila ang modelong Alice dahil yun lang ang kaya ng budget noon. “Maayos ang komunidad namin at may mga naging malapit kaming kaibigan sa Lancaster. Dito ako nakakuha ng mga ninong at ninang ko. Parang pamilya ang turingan namin,” pahayag ni Jay Mar.
Gaya ng ibang mag-asawa, may mga pagsubok din na humahamon sa kanilang pagsasama. Madali nilang malampasan ito dahil naging matatag sila at hindi natinag ang tiwala sa isa’t-isa. Humugot din sila ng lakas sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. “Nananalig kami sa Diyos dahil alam naming sa tulong Niya malulutas ang anumang suliranin kaya naman inakyat namin sa Panginoon ang anumang problema maliit man o malaki sa aming buhay,” ayon kay Reysan. Inisip nila ang bukas na ito’y dapat paghandaan kaya naman ang mga bagay na kanilang pinaglalaanan ng kanilang kinikita sa pagtagal ng panahon mas lalong lumalaki ang halaga tulad ng bahay at lupa. Una nilang iniisip ngayon ay bibili pa sila ng isang bahay para sa kanilang mga anak.
Maganda rin ang kwento nina Joseph at Lanie Rodriguez na labingdalawang taong kasal at may dalawang anak. Nagkakilala sila nang pareho silang mag-aral ng pangalawa nilang kurso. Naaalala pa ni Lanie nung unang araw nila sa unibersidad. “Pormal ang suot ko nun dahil galing ako sa trabaho habang siya naka-jacket lang,” kwento ni Lanie.
Dahil sa itsura ni Lanie inakala ni Joseph na isang ‘teacher supervisor’ ito na nag-o-observe kung paano ang takbo ng gurong namamahala sa kanilang klase. “Kay gandang observer naman nito pero mukhang istrikto dahil sa kanyang trabaho na magbigay ng kanyang evaluation sa kakayanan ng guro namin,” wika ni Joseph. Nang matapos ang klase nagulat siya nang malaman niya na estudyante rin pala ito. Nakipagkilala siya rito at mabait naman si Lanie at pinakitunguhan siya. Nagpalitan sila ng kanilang numero sa cellphone at naging magka-textmate na sila. Maraming parehong bagay sa kanilang buhay. Isa na rito ang kanilang hilig sa pakikinig sa isang American Singer na si Don Moen. Naging magka-textmate na rin sila. Matapos lubusang makilala ang isa’t-isa tinamaan na sila ng pana ni Kupido. Ito ang dahilan kaya’t nag-propose itong si Joseph at tinanggap naman ni Lanie na magpakasal. Una nilang inisip na bumukod sa kanilang pamilya kaya naman bumili sila ng bahay sa Cavite. Nalaman nila ang tungkol sa Profriends at binisita nila ang tanggapan nito. Mabilis nilang napili ang bahay sa Lancaster. Lumipat sila mula Makati papuntang Cavite. Malapit lang din sila sa Cavitex at may eskwelahan at simbahan sa subdibisyon. Maganda rin daw ito dahil hindi makakalabas ang mga bata. “Kaya rin naging maganda ang pagsasama namin dahil sa palaging pagdarasal. Kapag ang babae madaling sumuko hindi tatagal ang relasyon. May mga panahon kasing hindi mo masasabi lahat sa kabiyak mo,” ayon kay Lanie. Bilang magulang naman, si Joseph ang over protective sa mga bata. Kabaliktaran niya si Lanie dahil lumaking independent gusto niya ganun din ang mga anak. Hinahayaan niyang maglaro, tumakbo at kung paminsan-minsa’y nadadapa; binibigyan niya ng kalinga at pinaliliwanag na ‘okay lang yan, masakit talaga pero sa susunod mag-ingat ka naman’. Nanibago sila ni Joseph, laking Makati ang lalaki at sanay sa tabi-tabing bahay.
“Kapag condo lang wala kang maikutan. Gusto ko bahay talaga na paglabas mo maluwag. Sabi ko gusto ko rito tumira kasama ang anak ko. Dahil mabilis na dumarami ang mga miyembro ng komunidad,” wika ni Lanie.
Tahanan ang pinakamatalinong paraan na paglalaanan mo ng iyong kita. Marahil mabigat sa simula ngunit habangbuhay naman itong mapapakinabangan. Tiyagaan lamang at pasasaan ba’t kayo rin naman ang makikinabang. Ang bahay ay ang unang elemento sa isang lipunan. Ang tatay ang haligi ang nanay naman ay ang ilaw at ang mga bata naman ang magpapasigla rito. Ang Panginoon naman ang siyang magpapaulan ng biyaya sa isang matagumpay na tahanan.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tony calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest