Mga pulitiko, h’wag nang sumawsaw sa imbestigasyon
NAPAKARAMING ikinasang imbestigasyon ngayon sa umano’y naglalayong matukoy ang tunay na pangyayari sa operasyon ng PNP-Special Action Force na ikinamatay ng 44 na miyembro nito.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang PNP-Board of Inquiry (BOI) na nakasentro lamang sa operasyon ng PNP-SAF.
Pero asahan natin na magkakaroon ng pintas at pagdududa sa resulta ng imbestigasyon dahil sa ang mga namumuno ng PNP-BOI at mga isasalang sa imbestigasyon ay magkakaklase sa Philippine Military Academy (PMA) o kanilang mistah.
Hindi naman lingid sa kaalaman nang lahat kung gaano magkasangga ang mga mistah at ang pagtutulungan ng karamihan sa mga ito.
Pero ang pinakamatindi rito ay ang pag-eksena ng mga pulitiko sa imbestigasyon.
Magdadaos ng imbestigasyon ang Senado at Kamara sa susunod na linggo at sabay pa na isa lang naman ang puntirya at testigo.
Papagurin ang mga testigo sa magkahiwalay na imbestigasyon ng mga senador at kongresista.
Asahan natin na maraming mambabatas ang sasawsaw at lalahok sa imbestigasyon dahil mainit ang usaping ito.
May ilan kasi na sasamantalahin lang ang imbestigasyon para magpasikat sa publiko.
Dahil dito, makabubuting huwag nang mag-imbestiga ang mga senador at kongresista dahil maaakusahan sila ng pagiging epal sa publiko.
Agarang pagtibayin na lang ng mga mambabatas ang panukalang Truth Commission na mag-iimbestiga sa ginawang operasyon ng PNP-SAF at lumitaw ang katotohanan at makamit ang katarungan sa pagkamatay ng 44 na police commandos.
- Latest