Tatlong Araw
ANG matandang babae ay caretaker ng simbahan. Katabi ng simbahan ang Catholic school kung saan nag-aaral ang aking mga anak noon. Mahahalatang masayahin ang matanda dahil nakikita iyon sa kanyang mukha. Masaya niyang binabati ng “Good morning” ang mga mommy na nakaupo sa waiting area ng school na nasa gilid ng simbahan. Tuwing umaga, pagkatapos ng misa ay naglilinis siya ng simbahan. Minsan ay binati siya ng mga nakatambay sa waiting area.
“Nakakainggit naman si Manang…laging masaya.”
“Oo nga, hindi nabubura ang ngiti sa kanyang mukha, siguro walang problema si Manang.”
Huminto sa pagwawalis ang matanda at saglit na nakipagkuwentuhan.
“Ano bang walang problema, marami rin akong problema. Kaya lang, maganda akong magdala…hindi halata.”
“Sige nga Manang, turuan mo kami ng tamang pagdadala ng problema”
Saglit na sumeryoso ang mukha ng matanda, parang iniisip niyang mabuti ang sasabihin sa mga mommy na nakikinig sa kanya:
“Ang pinakamabigat na nangyari sa ating Panginoong He-sukristo ay nang ipako siya sa krus noong Biyernes Santo. Pero pagkaraan ng tatlong araw, Siya ay muling nabuhay at tuluyan nang umakyat sa langit para makapiling ang Diyos Ama. Easter Sunday ang tawag natin sa pangyayaring iyon. ‘Yan sa tuwina ang ginagawa kong inspirasyon: May katapusan din ang mga problema at malaki ang aking pag-asa na lumigaya kagaya ng Panginoong Hesukristo.”.
Tuwing magkakaproblema, bakit hindi mo bigyan ng tsansa ang Diyos na tulungan ka. Maghintay ng tatlong araw.
- Latest