Ginto at mga pera, natagpuan sa isang abandonadong school locker sa India
NAGULAT ang mga naglilinis ng isang eskuwelahan sa India nang matuklasan nila ang laman ng limang abandonadong locker na kanilang lilinisin.
Sa halip na mga gamit pang-paaralan ang bumulaga sa kanila, mga bulto-bultong ginto at sandamakmak na pera ang nasa mga locker.
Ang mga empleyado ng paaralan ay naglilinis ng mga locker bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno na naglalayong maging malinis ang buong India pagsapit ng 2019. Kasama sa kampanya ang paglilinis ng mga eskuwelahan kaya nadiskubre ang limang abandonadong locker. Punumpuno ng alikabok ang mga ito. Kinailangang wasakin ng mga naglilinis ang pintuan ng mga locker dahil nawawala na ang susi ng mga ito.
Nang mabuksan ang mga locker, nadiskubre nilang naglalaman ang mga ito ng 21 bara ng ginto na may bigat na dalawang kilo at salansan ng pera na nagkakahalaga ng 10 milyong rupee (katumbas ng higit sa P7 milyon).
Walang record ang eskuwelahan kung sino ang gumamit ng locker at wala rin namang lumalapit upang angkinin ang kayamanan. Hanggang ngayon, walang ideya ang pamunuan ng paaralan kung sino ang nagmamay-ari ng mga ginto at pera sa mga abandonadong locker.
Kahit ang mga pulis ay hindi rin malaman kung kanino ang mga natagpuang kayamanan dahil ayon sa kanilang pag-iimbestiga, ilan taon na rin na hindi nagagamit ang mga locker. Ang hinala ng mga imbestigador, itinago ang mga ginto at pera upang makaiwas ang may-ari nito sa pagbabayad ng buwis.
- Latest