EDITORYAL – Dapat lumantad si Purisima
NARARAPAT lumantad si suspended Philippine National Police (PNP) chief Dir. General Alan Purisima at magbigay ng kanyang nalalaman ukol sa nangyaring operasyon ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao na brutal na ikinamatay ng 44 na miyembro. Si Purisima ang itinuturong in-charge sa pagsalakay sa pinagtataguan ng mga teroristang sina Marwan at Usman. Ang dalawa ay bomb experts at may nakapatong na $5 milyon bawat isa sa ikadarakip buhay man o patay. Matagal na silang pinaghahanap ng US authorities sa terroristic act. Napatay umano ng SAF si Marwan sa pagsalakay at nakunan ng DNA sample. Hinihintay pa ang resulta ng test. Nakatakas naman si Usman.
Nakatutok ang lahat kay Purisima. Siya lamang ang makasasagot ng mga katanungang isang linggo nang inihahanap ng kasagutan. Siya lamang ang tanging makakapagkumpirma kung sino ba talaga ang nag-utos para salakayin ang mga terorista sa lugar na kontrolado ng MILF.
Lalong naging masalimuot ang isyu nang aminin ni DILG Sec. Mar Roxas at Acting PNP chief Dir. Gen. Leonardo Espina na wala silang nalalaman sa operasyon ng SAF. Ayon kay Espina, alas singko na ng madaling-araw noong Enero 25 niya nalaman na sumalakay ang SAF commandos at marami na ang namatay. Ang konklusyon nina Roxas at Espina, talagang inilihim sa kanila ang operasyon. At iyon ang malaking katanungan. Bakit kailangang ilihim gayung silang dalawa ang namumuno sa PNP?
Nasaan si Purisima? Walang makapagsabi. Sabi ay nasa ibang bansa ito at mayroon namang nagsasabi na narito siya. Itinanggi ng Malacañang na may nalalaman sila sa kinaroroonan ni Purisima. Sabi ng abogado ni Purisima, haharap daw ang kanyang kliyente sa anumang imbestigasyon na gagawin na may kinalaman sa SAF massacre.
Sana nga ay humarap siya sa imbestigasyon. Magsalita na siya para mabawasan ang galit nang marami hindi lamang sa kanya kundi pati na rin kay P-Noy na ngayo’y nakukuwestiyon ang kredibilidad sa nangyari sa 44 na bayani.
- Latest