Pambihirang klase ng pating, natagpuan sa baybayin ng Albay
MASASABING isa sa mga pinaka-misteryosong uri ng pating ang mga megamouth sharks. Malimit kasing nasa pinakailalim lamang sila ng karagatan kung saan nila hinuhuli ang mga maliliit na hipon na kanilang pagkain. Ito ang dahilan kung bakit napakadalang na sila’y nakikita ng mga tao.
Kaya naman naging balita sa buong mundo nang maanod sa baybayin ng Pio Duran, Albay nito lamang nakaraang Miyerkules ang isang patay na megamouth shark. Sa sobrang ilap ng mga megamouth shark sa tao, sinasabing ito ay pang-64 na beses pa lamang na makita ng tao ang kakaibang uri na ito ng pating.
Malayo ang itsura ng megamouth shark sa ibang mga pating. Bilugan kasi ang ulo at napakalaki ng bunganga ng mga megamouth. Kaiba rin ang ngipin nila kumpara sa matatalas at malalaking ngipin ng ibang mga pating. Maliliit kasi ang taglay na pangkagat ng mga megamouth sharks dahil maliliit lamang na mga hipon ang kanilang karaniwang kinakain.
Karaniwang malapit sa mga bansa sa may karagatang Pasipiko ang pinaglilitawan ng mga megamouth sharks. Isa sa mga bansang madalas paglitawan ng mga kakaibang pating na ito ay ang Pilipinas. Sa 64 na beses na pagkakita sa megamouth shark, 13 sa mga ito ay sa Pilipinas nangyari.
Inilagay sa freezer ang patay na megamouth shark upang ma-preserve at mapag-aralan. Plano ng Albay Parks and Wildlife Center na gawing display sa museo ang na-preserve na katawan ng megamouth shark.
- Latest