‘BITAG People’s Day’
TUWING Miyerkules ang People’s Day ng BITAG.
Iba’t ibang reklamo at sumbong ang inilalapit sa aming tanggapan. Mga indibidwal na inabuso at pinagsamantalahan dahil sa kasalatan.
Kasalatan sa kaalaman at sa materyal na bagay. Dahil salat sa kaalaman at pangangailangan, salat din sa hustisya at kaalamang-legal.
Pero hindi tulad ng ibang icon o personalidad na puro pagpapasikat at pagpapatalbugan lang, ako mismo, humaharap sa mga nagrereklamo.
Personal na inaalam at inaanalisa ang bawat problema. Iniimbestigahan upang mabigyang-linaw ang mga nahuhulog sa bitag ng kalituhan sakaling hindi man ito masolusyunan.
Hinihimay at pinapaanalisa ang sitwasyon pati na ang proseso at paraan ng aking pagtatanong upang sila ay matuto at maging matalino.
Ministeryo kung ituring namin ito. Ministeryo sa aspetong serbisyo-publiko na para sa amin, ito ang pinakadahilan kung bakit mayroong BITAG.
Ang tumulong sa mga nangangailangan partikular sa mga naulila, balo na pinagsamantalahan at walang matakbuhan, babae, matatanda, bata at iba pa. Pero, hindi ito nangangahulugan na kahit mali at baluktot ang kanilang pagrarason at pangangatwiran, kukunsintihin na namin sila at papanigan.
Naniniwala ang BITAG na nagpapatuloy ang aming operasyon sa tulong ng Poong Maykapal at sa pagtitiwala ng publiko sa aming integridad at prinsipyo.
Sa mga inaapi, naapi at napagsamantalahan, laging bukas ang aming tanggapan.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest