Ang manugang na ‘Puti’
SA unang impresyon ay masarap magkaroon ng manugang na foreigner. May chance kang manirahan sa kanilang bansa. Pero ang totoo, hindi ito laging masarap…mas madalas ay pait ang idinudulot nito sa mga biyenang Pinoy. Minsan ay nanalo sa casino ang isang Pinoy na lola na naninirahan sa Australia kaya pinagbibigyan ang mga apo ng balato. Ang apong binigyan ng balato ay apo niya sa bunsong anak na ang asawa ay Pinoy. Dito siya nakikitira. Ang lolang ito ay dating nakikitira sa bahay ng anak na panganay na may mister na Australian. Napatalsik ang lola sa bahay dahil pinalayas siya ng manugang na Australian.
Nabalitaan ng mga apong may tatay na Australian na nanalo sa casino ang kanilang lola kaya humingi ang mga ito ng balato. Kaso hindi pa nakakalimutan ng lola ang pagpapalayas sa kanya ng manugang na Australian kaya sinabi nitong naubos na ang kanyang pera kahit ang totoo’y may pera pa siya. Nakahalata ang ina ng mga batang hindi binigyan ng balato.
“Inay, bakit mo pinagdadamutan ang mga anak ko?”
Nagkasumbatan ang mag-ina hanggang sa dumating sa puntong nakisawsaw na rin ang manugang na Australian sa pagtatalo ng mag-ina. Ipinaalala ng Australyano na kaya siya nakatuntong sa lupain ng Australia ay dahil siya ang nagpetisyon sa mga ito kaya it’s unfair daw na pagdamutan nito ang kanyang mga anak.
Masyadong nasaktan ang lola. Isang buwan pagkatapos ng away, ipinasya ng lolang umuwi sa Pilipinas at isinumpang hindi na babalik sa Australia sukdulang mawalan siya ng buwanang pensiyon. May pensiyon ka nga, pero winawalanghiya naman siya ng manugang. Aba, mas pipiliin niyang magdildil sa asin pero mamamatay siyang may dignidad.
- Latest