Bodyguards ng Pag-IBIG Fund chief
NAKAKASAMA naman ng loob bilang miyembro ng Pag-Ibig Fund na marinig ang pag-amin na ginagastusan ang bodyguards o close in security para sa pinuno ng ahensiya.
Inamin ni Pag-IBIG Fund President & CEO Darlene Marie Berberabe sa Senate hearing na gumagastos ang ahensiya ng P420,000 kada apat na buwang kontrata sa Omni security bilang kabayaran sa tatlong security guards.
Kung talagang may banta sa buhay ni Berberabe ay bakit hindi ito humingi ng proteksiyon sa PNP sa halip na magbayad ng mahigit P1 milyon kada taon para sa close in security nito.
Sana naman ay ingatan ni Berberabe ang pera ng Pag-IBIG members na kanyang boss at nagpapasuweldo sa kanya.
Kung talagang gusto ni Berberabe ng sariling bodyguards at ayaw humingi ng proteksiyon sa PNP ay siya mismo ang magbayad dito.
Dapat ay ikaltas sa napakalaking suweldo ni Berberabe ang ibinabayad sa kanyang tatlong personal bodyguards.
Hindi yata makatarungan para sa Pag-IBIG members ang ganitong kapritso dahil dapat ay ginagastos ang pondo sa interes ng miyembro.
Dahil sa pangyayaring ito, dapat imbestigahan ang lahat ng mga gastusin sa Pag-IBIG Fund upang matiyak na nagagamit nang tama ang pondo para sa kapakanan ng mga miyembro.
Sana nga ay matiyak din na hindi magagamit sa pulitika ang pondo ng Pag-IBIG Fund lalo pa’t ang ilang may saklaw dito ay nagdeklara na ng kandidatura sa 2016 presidential elections.
Laliman pa sana ang imbestigasyon sa Pag-IBIG fund sa layuning maprotektahan ang mga miyembro subalit nililinaw ko na hindi naman ito nangangahulugan na may anomalya na at sangkot ang pinuno pero mas makakabuti lang na masiyasat upang matahimik ang kalooban ng mga miyembro.
- Latest