EDITORYAL - Kuneho
NASA mahigit 100 milyon na ang populasyon ng mga Pilipino. At kung hindi matuturuan nang tamang pagpaplano ng pamilya, dadami pa ang populasyon. At ang resulta, lalo pang maghihirap ang marami.
May kaugnayan dito, kung bakit mga kuneho ang ginawang halimbawa ni Pope Francis nang magsalita sa mga reporter habang pabalik ng Rome noong Lunes. Sabi nito sa mga reporter “hindi dapat tumulad sa mga kuneho” ang mga Katoliko sa halip, dapat daw maging responsableng mga magulang ang lahat. Sinabi ito ng Papa ilang oras makaraang makaalis ng bansa noong Lunes. Apat na araw namalagi ang Papa sa bansa.
Totoo naman na parang rabbit ang nakararaming Pilipino. Paramihan nang anak. Mas maraming anak ang mga nasa squatters area. Karamihan kasi ng mga nasa squatters ay walang trabaho kaya laging magkasama sa bahay ang lalaki at babae. Dahil walang magawa, ang paggawa ng bata ang inaatupag. Kung saang lugar mahirap ang buhay ay doon maraming bata. Parang pabrika ng bata ang mga squatter area sa bansa. Katulad ng mga kuneho kung dumami. Ang kuneho ay nagbubuntis sa loob ng 28 hanggang 32 araw. Kapag nakapanganak ang kuneho, fertile na naman at puwede na namang mabuntis.
Ang kawalan ng trabaho sa bansang ito ang dahilan kaya hindi mapigilan ang pagdami ng tao. Sa kasalukuyan, mahigit 100 milyon na ang mga Pilipino at patuloy pang dumadami. Kapag hindi nabigyan ng solusyon ang pagdami ng mga Pilipino, lalo pang makakaranas ng kahirapan at pagkagutom. At dahil may nagugutom, tiyak din ang pagdami ng krimen. Kabit-kabit na ang problemang idinulot nang kawalan ng trabaho.
Hindi lamang marahil maderetsa ng Papa na talagang katulad ng mga kuneho ang ilang Pilipino na hindi makontrol ang pagpaparami ng anak. Marahil nagulat ang Papa nang makita ang maraming tao na may mga karga o hawak na bata. Hindi rin mabilang ang mga sanggol at bata na kanyang nahalikan at nayakap.
Dapat tumatak sa isipan nang marami ang mga sinabi ng Papa na huwag tumulad sa mga kuneho at maging responsableng mga magulang. Lutasin naman ng gobyerno ang unemployment problem.
- Latest