EDITORYAL - Tinamaan kaya ang mga corrupt?
NANG mag-courtesy call si Pope Francis sa Malacañang noong Biyernes, nagbigay siya ng mensahe at napakaganda ng kanyang sinabi. Deretso at walang paliguy-ligoy. Sinabi niya na nararapat itakwil ng bawat isa ang anumang uri ng corruption. Ito raw ang umuubos ng mga biyayang dapat sana ay mapupunta sa kapakanan ng mga mahihirap. Maging hamon aniya sa lahat ang kanyang mga sinabi.
Nagtungo sa bansa si Pope Francis para maghatid ng awa at malasakit sa mga mahihirap. Ilang beses niyang binanggit ang tungkol sa trahedyang dinanas ng mga taga-Leyte at Samar nang salantain ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 na ikinamatay ng may 7,000 katao. Hanggang ngayon, hindi pa nakababangon ang mga biktima sa nangyaring trahedya.
Kahapon, tinupad ng Papa ang kanyang pangako. Nagtungo siya sa Tacloban City at Palo. Nagmisa at nakisalamuha sa mga biktima ng Yolanda. Hindi naman natinag ang mga tao sa paghihintay kay Pope Francis kahit signal number 2 ang bagyo.
Ang bansa ay kasalukuyang nayayanig ng mga isyu sa corruption. Hanggang ngayon patuloy ang imbestigasyon sa P10-bilyong pork barrel funds na minaniobra ni Janet Lim Napoles. Tatlong senador na ang nakakulong. Bukod doon, isyu pa rin ang mga pinamudmod sa mga senador sa panahong nililitis si dating SC Chief Justice Renato Corona. Isyu rin ang mabagal na rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda. Isyu rin ang mga umano’y yaman at ari-arian ng PNP chief at ang sinasabing hacienda ng Vice President. Idagdag pa ang mga isyu sa DA, DOH, MRT at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Napapanahon ang mga mensahe ni Pope Francis, pero ang tanong, tinamaan kaya ang mga taong sangkot sa katiwalian? Magbabago kaya sila at tatahakin na ang “tuwid na landas” at magkakaroon ng malasakit sa mga kapuspalad. O hindi na dahil sa sobrang kapal ng kanilang balat-buwaya?
- Latest