Lalaki sa Amerika, kauna-unahang taong nabuhay na walang pulso
SI Craig Lewis ay isang 55-anyos na Amerikano na na-diagnose ng isang kakaibang sakit sa puso. Pinipinsala ang kanyang puso ng abnormal na dami ng protein kaya hindi makakatulong kahit lagyan pa siya ng pacemaker.
Mabuti na lamang at nakaisip ng isang rebolusyonaryong solusyon ang mga doktor sa Texas Heart Institute.
Inoperahan si Craig nina Dr. Billy Cohn at Dr. Bud Frazier na nag-alis sa kanyang puso na pinalitan nila ng isang mekanismo na magsisiguradong dadaloy ang dugo sa buo niyang katawan. Iba ang mekanismo mula sa mga pacemaker o artipisyal na puso dahil mas kahalintulad nito ang isang bomba ng tubig na tuluy-tuloy na magtutulak sa dugo upang umikot sa buong katawan ni Craig.
Naging matagumpay naman ang operasyon dahil isang araw pa lang ang nakakalipas ay nagagawa nang makipag-usap ni Craig sa kanyang mga doktor.
Ang mekanismong inilagay kay Craig ay matagal na na-develop. Una itong sinubukan sa mga maliliit na baka na tinanggalan ng mga puso at saka nilagyan ng makabagong mekanismong nagbobomba ng dugo.
Si Craig ang unang taong nakasubok sa makabagong teknolohiya na ito kaya masasabing siya rin ang unang tao na nabubuhay na walang pulso. Iyon kasi ang kakaibang epekto ng inilagay sa kanya. Sa halip na tibok o pulso ay mahinang huni ng aparatong ipinalit sa kanyang puso ang maririnig kung pakikinggan ang dibdib ni Craig gamit ang isang stethoscope.
- Latest