Hazing law, gaano ka-epektibo?
Nais busisiin ni Senator Vicente “Tito” Sotto III ang tungkol sa naipasa ng batas ang RA 8049 o Anti-Hazing Law, kung epektibo ba ito o kailangan nang maamyendahan.
Ito nga kasi ay sa kabila ng naturang batas na naglalapat ng kaparusahan sa mga taong masasangkot sa hazing, eh patuloy pa rin itong nasusumpungan.
Mistulang hindi natatakot o walang binatbat sa mga gumagawa nito ang inilaang kaparusahan.
Marami pa rin ang nagiging biktima ng krimeng ito sa kabila na may batas nang naipasa ukol dito.
Hindi nga ba’t noon lamang nakaraang taon nasawi sa isa na namang insidente ng hazing ang sophomore student ng La Salle na si Guillo Cesar Servando.
Nais malaman ng senador kung kailangan pang mas palakasin pa ang batas para maipagtagumpay ang paglaban sa hazing.
Bukod nga sa patuloy na nagaganap ang ganitong mga krimen, marami pa ring kasong naisampa na ukol dito, ang tila, nakatulugan na ng panahon.
Kung walang takot ang mga gumagawa nito sa parusa, baka isa pang dahilan kaya malakas ang kanilang loob na gawin at gawin ang hazing ay dahil sa alam nila na matagal naman ang pag-usad sa ganitong mga kaso.
Kung sabagay hindi lang sa kaso ng hazing nangyayari ang matagal na paglilitis, halos na yata sa lahat ng kaso, ilang taun ang bibilangin bago makamit ang hustisya.
- Latest