Pinakabatang computer expert sa mundo, 5-anyos lang!
ISANG henyong bata sa United Kingdom ang sinasabing pinakabatang computer expert sa mundo matapos niyang maipasa ang pagsusulit na ibinibigay ng kompanyang Microsoft sa mga aplikante nito.
Bukod pa sa pagpasa niya ay nakakuha pa ng mataas na marka ang 5-anyos na si Ayan Qureshi sa Microsoft Certified Professional Exam na ibinigay sa kanya.
Si Ayan na ngayon ang sinasabing pinakabatang computer expert sa mundo dahil mas bata pa siya sa dating may hawak ng world record na higit 6-anyos na nang maipasa niya ang pagsusulit ng Microsoft.
Hindi biro ang pagsusulit na ibinibigay ng Microsoft para sa mga gustong magtrabaho sa kanila. Karaniwang mga may master’s o doctorate degree sa mga kursong may kinalaman sa computer ang mga kumukuha nito. Kahit ang mga walang balak na magtrabaho sa Microsoft ay kinukuha ang pagsusulit dahil kahit ibang kompanya ay mataas ang tingin sa mga nakakapasa nito.
Muntikan nang hindi makapag-exam si Ayan dahil nagulat ang mga mga nagbibigay nito sa napakamurang edad ng bata. Pinayagan din siyang makakuha ng exam matapos itong pahintulutan ng punong tanggapan ng Microsoft sa Amerika.
Hindi naman nasayang ang ibinigay nilang pagkakataon kay Ayan dahil tinapos niya ang pagsusulit nang walang kahirap-hirap sa loob ng 2 oras na ibinigay sa kanya upang tapusin ito.
- Latest