‘Hindi ko alam’
MINSAN ay nagbigay ng sorpresang quiz ang isang elementary math teacher. Ang hamon ng teacher: exempted sa final exam ang makapagbibigay ng tamang sagot. Ang tanong ay—Gaano kahaba ang buhok ng kanilang school principal? Puwede kahit anong unit ang gamitin: inches, centimeter, yard…etc. Ang problema: Kahit kailan ay hindi inilulugay ng principal ang kanyang buhok, lagi itong nakapusod.
Pagkatapos maibigay ang answer sheet ng mga estudyante sa kanilang teacher ay isa-isa nitong binasa ang sagot. Sari-sari ang lumabas na numero. Mayroong nagpa-impress at ibinigay pa ang ginamit na formula upang ipakita kung paano siya nakarating sa ganoong kasagutan.
Malungkot ang announcement ng teacher. Walang nakasagot nang tama.
“Ano po ba ang tamang sagot?”, sabay-sabay na tanong ng mga estudyante.
“Ang tamang sagot ay—hindi ko alam. Ang tinesting sa inyo ay hindi ang kahusayan sa numero kundi ang tapang na humarap sa katotohanang hindi ninyo alam ang sagot. Kahit kailan ay hindi natin pinag-aralan o pinag-usapan ang tungkol sa buhok ng ating principal. Laging nakapusod ang buhok ni Mam kaya kahit sino sa atin ay walang ideya kung hanggang saan umaabot ang kanyang buhok kapag nakalugay. At sino naman ang maglalakas ng loob na sumukat sa haba ng buhok ni Mam gayong alam nating istrikta ito at konserbatibo? Sa palagay ko, kahit siya mismo ay hindi alam kung gaano kahaba ang kanyang buhok. Puwedeng alam niya sa tantiyahan pero eksaktong sukat, imposibleng pag-aksayahan niya ito ng panahong alamin.”
Pahabol pa ng teacher. “Ang isa pang napatunayan ko ay takot kayong lahat na harapin ang katotohanan. Wala man lang isa sa inyo ang umaming hindi alam ang sagot samantalang wala naman akong sinabi na ibabagsak ko ang hindi makakasagot sa tanong.”
- Latest