Manong Wen (172)
“ANONG oras ka aalis bukas patungong probinsiya, Jo?’’ tanong ni Diana.
“Mga alas singko po ng madaling araw.’’
“Ipasusundo kita sa drayber ko at ihahatid ka hanggang probinsiya.’’
“Salamat po. Pero puwede naman po akong mag-commute.”
“Sige na pagbigyan mo na ang iniaalok kong tulong Jo. Kung gusto mo naman, ibibili kita ng brand new car.’’
“Huwag na po, Mam. Saka na lamang po kapag kasal na kami ni Princess.’’
“Okey, isang mamahalin at magarang kotse ang ireregalo ko sa inyong dalawa.’’
“Salamat po.’’
“Mag-ingat ka sa pag-uwi Jo.”
“Opo.”
“Ikaw na ang bahala sa mga anak ko.’’
“Opo, ako ang bahala. Sisikapin kong maging mabilis ang pagkikita ninyong tatlo.’’
“Salamat, Jo.”
KINABUKASAN, paggi-sing ni Jo ay nasa harapan na ng kanyang bahay ang isang bagong SUV. Kulay itim. Makintab na makintab. Nakangiti ang drayber, isang 40-anyos na lalaki na tipong mabait.
“Ako po ang drayber mo, Sir Jo. Ako po si Raul.’’
“Kumusta ka Raul?”
“Mabuti po, Sir Jo.’’
“May pamilya ka na?”
“Opo. Dalawa po ang anak ko.’’
Napatangu-tango si Jo.
“Sige tayo na, Raul para makahabol tayo sa alas sais na trip ng SUPERDOG patungong Calapan.’’
Umalis na sila. Mahusay at maingat na drayber si Raul.
Eksakto ang dating nila sa Batangas na papaalis ang SUPERDOG. Nakahabol sila.
Mag-aalas dos ng hapon nang dumating sila Socorro. Dere-deretso na sila sa Bgy. Villareal na tirahan nina Princess.
“Maganda po pala rito sa Socorro, Sir Jo.”
“Oo. Masarap magbakasyon dito. Sariwa ang hangin. Mamaya magugulat ka dahil mas maganda sa Villareal. Maganda ang tanawin.’’
Nang dumating sila sa Villareal, hangang-hanga si Raul sa magandang tanawin doon.
Pinaderetso na ni Jo ang SUV sa kanyang sariling bahay. Ayaw niyang malaman ni Princess na mayroon siyang sasakyan.
Nang magtungo siya kina Princess, iniwan na niya si Raul sa kanyang bahay. Sinabihan niyang magpahinga na ito.
“Salamat po, Sir Jo.’’
“Kumain ka lang diyan o magluto. May pagkain sa ref,” sabi niya rito.
Nang magkita sila ni Princess ay sabik na sabik sila sa isa’t isa.
“Akala ko magtatagal ka pa sa Maynila.”
“Natapos ko na ang mga papeles.’’
Marami silang pinagkuwentuhan.
Hanggang maitanong ni Jo kung ano ang pangalan ng ina ni Princess.
Nagtaka si Princess.
“Bakit mo naitanong?”
Hindi makasagot si Jo.
(Itutuloy)
- Latest