‘Lumipad na Pasaporte’
SA isang bahagi ng isla sa Mindanao papunta sa hilagang lalawigan ng Maguindanao, Cotabato at Sarangani…kung saan pagsasaka ang karaniwang kinabubuhay nabuo ang kagustuhan ng isang tubong-Sultan Kudarat na makapagtrabaho sa labas ng bansa.
“Noon pa lang gusto ko na magpunta sa Gitnang-Silangan para makapagtrabaho…” wika ni Lovely Joy Sunio.
Si Lovely Joy, kung tawagin ay “Joy” ay nasanay na mamuhay ng simple sa bukid. Pagtatanim ng palay ang kabuhayan ng kanyang mga magulang. Nung maghayskul si Joy napadpad siya sa Panabo City sa Davao del Norte para mag-aral. Maagang nagbanat ng buto si Joy. Pagka-graduate sa hayskul nagtrabaho na siya bilang maintenance/crew sa isang mall sa Panabo City. Maaga rin naging ina si Joy sa edad na 17 taong gulang nagkaroon siya ng anak sa dating karelasyon.
Taong 2013 bumalik siya ng Sultan Kudarat. Nung mga panahong iyon gustung-gusto na ni Joy na magtrabaho sa ibang bansa.
“Hindi ako agad nakapaglakad ng pasaporte ko. Dun muna ako tumuloy sa ate ko sa Tacurong City,” ani Joy.
Nagtrabaho siya bilang saleslady sa isang mall. Ang kita niya P150 sa isang araw. Apat na buwan lang ang tinagal ni Joy dito. Nakilala niya ang kapitbahay ng kapatid na si Rex--- kanyang kinakasama, isang magsasaka. “Nagkaroon kami ng relasyon ni Rex at agad kaming nagsama. Mula nun huminto na ako sa pagtatrabaho,” ani Joy.
Hindi naman nawala ang kagustuhan ni Joy na magtrabaho sa ibang bansa. Unang buwan ng taong 2014, kumuha siya ng kanyang pasaporte. Buwan ng Agosto ng kausapin ng kanyang ina ang pinsan nitong si Jeje Peudan, isang ‘recruiter’. “Kinausap siya ni Mama kung may alam siyang agency na naghahanap ng mga Pinay na Domestic Helper (DH)… meron naman siyang nirekomenda,” ayon kay Joy. Dahil taga-Sultan Kudarat din ang kanyang tiyahin agad niyang ibinigay ang kanyang pasaporte. Bago matapos ang buwan, pinapunta siya nito sa isang klinika sa Cotabato para magpa-‘pre-med’. Pagdating dun nakilala niya si Omar Alamada, ahente umano ng Primera Human Resources na nakabase rin sa Cotabato.
Hindi na nakaabot sa huling trip si Joy kaya tumuloy siya sa inuupahang kwarto ng ahensya para sa mga aplikante. Sinabi raw ni Omar na tatawagan na lang niya si Joy kapag ayos na ang lahat. Sinabi sa kanyang bansang Oman, Qatar o Kuwait ang pinagpipilian nila para kay Joy. Nasa halagang P18,000 daw ang sahod niya buwan-buwan, ito’y sa loob ng dalawang taong kontrata. “Ready visa raw ang gagawin. Kaya iti-text na lang nila ako kapag okay na ang flight ko,” sabi ni Joy.
Naghintay si Joy ng tawag at text ni Omar, dumaan na ang buwan ng Setyembre wala pa rin siyang natatanggap na kahit anong balita. Paulit-ulit niyang tinawagan si Omar, sabi raw nito okay na ang ticket niya at may visa na rin siya. Hiniling niyang makita ang mga dokumento subalit wala naman daw maipakita si Omar. Buwan ng Oktubre, nakatunog na si Joy na niloloko umano siya ni Omar nang tawagan niya ito at hindi na niya ito makontak pa. Lumapit siya sa tiyahin at nakipag-ugnayan kay Omar. Sinabi ni Joy na mukhang hindi naman siya makakaalis kaya’t babawiin na niya ang kanyang pasaporte at hindi na tutuloy.
Sinabi ito ni Jeje kay Omar, ang naging tugon naman daw nito kailangan niya munang magbayad ng halagang P7,000 kapalit ng kanyang pasaporte. “Ang laki ng halagang hinihingi nila,” ani Joy. Sinabi kay Joy na sa ginawa niyang pag-atras kailangan niyang ibigay ang nasabing halaga para maibalik ang kanyang pasporte. Bayad daw ito para sa kinuhang visa niya at sa employer daw nito. Bagay na tinatanggi ni Joy, dahil mariin niyang sinabing wala pa siyang visa na nakikita o employer man lang na nabanggit si Omar.
Katanungan ni Joy, tama bang tubusin niya ang kanyang pasaporte sa halagang P7,000 at ipitin ito ni Omar? Ito ang dahilan ng pagpunta ni Joy sa aming tanggapan.
Una nag nakipag-ugnayan si Joy sa Department of Foreign Affairs (DFA) para ireklamo si Omar, hindi na nila mahanap si Omar. Ayon sa tiyahin, bigla na lang daw itong nawala sa Sultan Kudarat.
Para hindi na mahirapan sa paghahanap sina Joy at para makansela ang passport niyang hindi na mabawi, pinayuhan siyang gumawa ng ‘affidavit of loss’ para sa kanyang pasaporte at kumuha ulit ng panibagong passport. Nakagawa na ng affidavit of loss si Joy at nasubukan na niyang kumuha ng pasaporte sa Consular Affairs ng DFA subalit hinihingan pa si Joy ng ibang valid ID’s.
“Nahirapan na ako ngayon kumuha ng pasaporte. Balak ko pa naman maghanap ng bagong ahensyang makakatulong sa ’king makaalis,” ani Joy.
Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nung una ay pauwi na sana si Joy sa Sultan Kudarat para kumpletuhin ang mga dokumento niya sa pagkuha ng bago niyang pasaporte subalit nung malaman namin na meron naman siyang mga ID’s tinawagan namin si Asec. Wilfredo Santos ang Head ng Office of Consular Affairs (OCA) ng DFA at pinangako naman niya na tutulungan si Joy, papuntahin lamang ito sa kanyang tanggapan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest