Imbestigasyon kay Binay, itodo na
BUKOD sa naunang imbestigasyon ng Senado laban kay Vice President Jejomar Binay hinggil sa mga umano’y anomalya sa proyekto sa Makati City at umano’y ari-arian nito ay may panibagong sisilipin na anomalya.
Ibinunyag ni Sen. Antonio Trillanes na iimbestigahan din ng Senado ang umano’y housing scam kung saan ay may pinaboran umano na kontratista si Binay at nabigyan ng kontrata kahit hindi raw kuwalipikado.
Mahabang panahon na rin ang ginugol ng Senado sa imbestigasyon kay Binay at lumilitaw ang mga umano’y nakalululang kayamanan nito.
Ngayon naman ay may natuklasan na panibagong housing scam kaugnay ng pagiging pinuno ni Binay sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na nangangasiwa sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.
Halos dalawang taon pa naman ang 2016 presidential elections at may oras pa para mabusisi ang mga kandidato lalo na sa kanilang kredebilidad at kalinisan sa pamamalakad sa gobyerno.
Sa aking pananaw, napakahalaga ng mga ganitong imbestigasyon upang makatiyak ang taumbayan na ang mga nagnanais na mamuno sa gobyerno ay walang itinatagong kayamanan at hindi sangkot sa katiwalian.
Kung totoong malinis si Binay sa mga bintang na anomalya at tagong yaman, hindi ito dapat na matakot dahil kung lilitaw sa publiko na nagsisinungaling ang mga kritiko o nag-aakusa ay sila ang mapapahiya at hindi ang Vice President na inaakusahan.
Makabubuting itodo na ang mga ginagawang imbestigasyon at ihanay na ang lahat ng mga alegasyon kay Binay upang kung matapos na ang alegasyon at kung walang ebidensiya ay maabsuwelto na agad.
Pero kung mayroong mabigat na ebidensiya laban kay Binay ay makakabuting agad itong papanagutin at makasuhan upang mapigilan na rin na sumabak sa 2016 elections.
Bukod kay Binay, busisiin na rin ang buhay at kalagayan ng iba pang mga aspirante sa pagka-presidente upang makatiyak ang publiko na malinis sa katiwalian ang susunod na lider ng bansa.
Napaka-importante na hindi sangkot sa anumang katiwalian ang Presidente ng bansa upang mas may karapatan itong magpatupad ng reporma at linisin ang katiwalian sa gobyerno.
- Latest