Gymnast sa China, target makuha ang world record sa pagtalon gamit ang puwit
ANG butt skipping o pagtalon gamit ang puwet, ay katulad din ng jumping rope kung saan kailangang tumalon para malakdawan ang lubid. Ang pinagkaiba lang nito, sa halip na mga binti, ang puwit ang kailangang gamitin upang makalundag.
Hindi masyadong kilala ang butt skipping pero ito ang sport kung saan gustong magka-world record ng 20-anyos na gymnastics expert na si Yi Zhihua. Gusto niyang mahigitan ang world record na naitala ng taga-Japan noong 2006.
Isang Chinese at estudyante ng Chongqing University si Yi. Nalaman niya ang tungkol sa butt skipping nang minsang mapanood niya ang isang video ng kasalukuyang world record holder sa nasabing sport. Naengganyo si Yi at ngayon ay target niyang makuha ang world record sa pagtalon gamit ang puwit.
Ito ang dahilan kung bakit puspusan ngayon ang ginagawang pagsasanay ni Yi. Nagagawa na niyang lumundag ng 152 beses gamit ang kanyang puwit kada minuto kaya naniniwala siyang kaunting ensayo na lang ang kanyang kailangan upang malampasan ang world record na 166 na beses na paglundag na nagawa ng Hapones.
Dahil sa kanyang determinasyon na makuha ang world record para sa isang kakaibang sport, sumisikat na rin ngayon si Yi. Nagi-ging panauhin na siya ng mga programa sa telebisyon sa China at nagiging celebrity na rin siya sa mga social networking sites doon.
- Latest