Taxi driver na nasaksak sa ulo, nagawa pang makapagmaneho ng 2 oras patungong ospital
ISANG lalaki na may nakabaon pang patalim sa ulo ang nagawa pang magmaneho ng dalawang oras papunta sa isang ospital matapos siyang pagsasaksakin ng tatlong beses sa isang party sa Brazil.
Masuwerteng nabuhay si Juacelo Nunez, 39, taxi driver, sa kabila ng pagkakaroon niya ng saksak sa ulo mula sa isang 30 sentimetrong kutsilyo na nanatiling nakabaon sa kanya habang nagmamaneho at naghahanap ng pagamutan.
Bukod sa saksak sa ulo, nagtamo rin siya ng sugat sa kanyang dibdib, lalamunan, at balikat mula sa isang away na kanyang kinasangkutan sa isang pagtitipon sa Agua Branca, Brazil.
Ayon kay Juacelo, may nakaaway siyang tatlong lalaki na sumaksak sa kanya. Sa kabila ng mga saksak na inabot, hindi siya nawalan ng malay kaya nagawa pa niyang imaneho ang kanyang taxi ng halos 100 kilometro para maghanap ng ospital.
Himala naman para sa mga doktor na nabuhay si Juacelo dahil sa kabila ng dami ng pinsala na inabot ng kanyang katawan ay wala namang natamaang vital organs o kaya’y mahahalagang ugat na maaring ikinamatay niya. Sa katunayan, maayos na ang kondisyon ngayon ni Juacelo at hinihintay na lamang niya na maghilom ang kanyang mga sugat.
- Latest