Ipagbawal na ang paputok!
Hindi pa man sumasapit ang pinakaaabangang pagsalubong sa Bagong Taon na tradisyon ng ginagawa sa ating bansa ay marami na ang naging bitkima ng paputok.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), umaabot na sa 130 katao ang nabiktima ng paputok simula pa noong Kapaskuhan at inaasahan na tataas pa ang bilang.
Ayon sa DOH, mas mababa ang bilang na ito kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Pero sa aking pananaw ay makakabuting ipagbawal na ang paggamit ng paputok ng mga indibidwal na mamamayan.
Tradisyon na ang paggamit ng paputok sa ating bansa lalo na sa pagsalubong sa Bagong Taon pero ang tradisyong ito ay nagreresulta ng trahedya.
Panahon na upang baguhin ang tradisyon sa bansa sa paggamit ng paputok.
Makakabuting ipagbawal na ang paggamit ng paputok ng bawat indibidwal sa halip ay ipaubaya na lamang ito sa local government at sila na mismo ang mangasiwa sa paglalagay ng lugar at sila na rin ang bibili ng paputok para sa tradisyon ng mga Pilipino.
Mas magiging matipid pa ito para sa mamamayan at ang pinaka importante ay ligtas sa anumang panganib ng paputok ang mamamayan na ang ilan ay hindi bihasa sa paghawak nito.
Sa ganitong panahon ay mababawasan pa ang trabaho ng mga ospital ng gobyerno sa mga aksidente ng paputok.
At ang isa pa sa mabuting idudulot ng pagbabawal ng paputok sa indibidwal ay ang pag-iwas sa panganib sa sunog na madalas na nagiging mitsa ang paputok.
Sana ay pag-aralang mabuti ng gobyerno ang ating panukalang ipagbawal na ang paggamit ng paputok ng bawat indibidwal upang makaiwas na sa anumang sakuna at maging ligtas at mapayapa sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest