Ang lalaking lumuluha
EWAN kung paano nagsimula. Basta naging sukatan na ng pagkalalaki ang pagluha. Ang pag-iyak, lalo na sa mga Pinoy, ay tanda ng kahinaan ng pagkalalaki. Pero iba ang paniwala ng dating bise presidente ng US, si Hubert Humphrey.
Matagal na naospital si Hubert dahil sa isang tumor na hindi na puwedeng operahan dahil malala na. Kung gaga-ling pa siya, hindi masabi ng doktor. Basta ang sigurado ay lalo lang madadali ang buhay ni Hubert kapag inoperahan ang tumor.
Namayat nang husto si Hubert. Nang lumabas siya sa ospital ay inanyayahan itong maging speaker sa isang convention. Isang napakapayat na Hubert ang humarap sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon kaya naging madamdamin ang kanyang speech.
“ Hindi pa ako handa…” garalgal ang boses ni Hubert. Parang ibig mapaiyak. Hindi pa siya handang mamatay ang nais niyang sabihin pero hindi niya naituloy dahil parang may bumikig sa kanyang lalamunan.
Halos naririnig ang tiktak ng mga orasan sa sobrang katahimikan sa hall. Napatingin si Hubert sa kanyang misis na nakatayo sa harapan ng stage.
“Biro ng aking misis, huwag daw akong magkakamaling umiyak ngayon habang nagsasalita dahil…dahil kukunan niya ako ng picture. Ayokong magpakuha ng picture sa ganitong ayos na halos buto’t balat na sa kapayatan. Ang gusto kong maalaala ninyo ay si Hubert na may magandang pangangatawan, masigla… at puno…ng buhay.”
Huminto sa pagsasalita si Hubert para magpahid ng luha.
“Pero hayaan ko nang makunan ako ng picture. Ang taong hindi raw marunong lumuha ay taong walang puso.”
- Latest