Manong Wen(154)
ILANG segundo rin na nagkalapat ang mga labi nina Jo at Princess. Naghiwalay lamang iyon nang marinig nila ang mga yabag ni Precious na nanggaling mula sa kusina.
“Baka mahuli tayo ni Precious, kakahiya sa kanya. Baka sabihin na nagpapayo ako sa kanya pero ganito naman ang ginagawa ko.’’
“Nakakagigil ka na Princess. Parang hindi na ako tatagal.’’
Nagtawa si Princess. Mahina lang.
Hanggang lumapit si Precious sa kanila.
“Ate Princess, Kuya Jo, nakahanda na ang mesa. Kakain na tayo.’’
Nagulat si Princess. Hindi niya akalain na marunong na pala itong magluto. Wala naman siyang bilin dito.
“Marunong ka nang magluto, Precious?”
“Oo naman Ate. Malaki na yata ako. Hindi na ako nene.’’
“Talaga ha? Sige nga tikman ko kung ubra ka nang maging kusinera. Halika na Jo para malantakan na ang pinagmamalaki ni Precious.’’
Nagtungo sila sa kusina. Nakahain sa mesa ang sinigang na baboy, pritong tilapia at buko juice na malamig na malamig. Umuusok naman ang kanin sa bandehado na bagong sandok.
“Wow ang sarap n’yan, Precious,” sabi ni Jo at inanyayahan nang umupo si Princess. “Halina kayo. Huwag na nating pagtagalin pa ang niluto ni Precious.”
Kumain sila.
“Ang sarap ng luto mo Precious!” sabi ni Jo makaraang humigop ng mainit na sabaw.
“Oo nga, Precious. Puwede ka nang kusinera. Pinahanga mo ako.’’
“Ang galing n’yong mambola!”
Nagtawanan sila.
ISANG araw bago ang pag-uwi nila sa probinsiya, ipinagkaloob kay Jo at Princess ang pabuya dahil sa pagkakalansag sa Chester Kidnapping Group. Ginawa ang pag-reward sa isang sekretong lugar. Hindi pinapasok ang media. Isang milyon ang reward money.
“Salamat sa inyong dalawa. Malaki ang naitulong n’yo sa PNP sa paglansag sa grupo ni Chester.’’
“Salamat din po General.’’
KINABUKASAN din ay nagtungo na sa probinsiya ang tatlo. Kailangang maipagpatuloy nina Princess at Precious ang pag-aaral. Magtatapos na si Princess ng kolehiyo at high school naman si Precious.
(Itutuloy)
- Latest