‘Modus: Palit-prutas’
NAKAGAWIAN na nang marami ang pagbili ng mga bilog na prutas kapag ganitong magpapalit na ang taon.
Naging pamahiin na ito sa ilan. Habang ang iba naman, nakikisabay lang baka kasi swertehin daw.
Pero paalala lang, may ilan kasing mga modus sa mga pampublikong pamilihan lalo na sa mga wet market.
Ang mga kumag, kenkoy, kolokoy na fruit vendor nakikisabay din sa panahon. Nandaraya sa kanilang mga kustomer. Ang tawag dito “palit-prutas.”
Inilapit ng ilang mga nabiktima ng modus ang reklamong ito sa BITAG T3. Aktuwal din naming nakunan ng bidyo ang estilo ng kanilang panloloko sa kalat-kalat na tindahan sa Divisoria.
Mabilis ang kilos ng mga dorobo. Nangyayari ang modus habang dumudukot ng pambayad ang pobreng kustomer sa kaniyang wallet o bulsa.
Ang siste, mamimili ng mga sariwang prutas na bibilhin ang parokyano. Ikikilo ito sa nakasabit na timbangan. Kapag sumakto ang kilo saka ito isusupot ng mga tindero.
Pero bago pa man magbayad ang kustomer may nakahanda nang mga lamog at bulok na prutas ang mga putok sa buho. Nakatago sa ilalim ng kanilang mesa kung saan, nakasupot-supot na rin depende sa kilo. Lingid sa kaalaman ng kustomer, iba na ang laman ng supot na iaabot sa kaniya. Puro reject na mga prutas at hindi na sariwa.
Kaya sa mga bibili at makikisakay sa pautot na maghanda ng mga bilog na prutas sa pagpalit ng taong 2015, maging ‘lerto at ‘listo. Bantayang maigi ang kamay ng mga tindero upang hindi kayo masalisihan at maloko.
Panoorin ang aktuwal na dokumentasyon ng modus na “palit-prutas” sa BITAG T3. Log on, bitagtheoriginal.com.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest