Ang gulo talaga ng PNP!
Merry Christmas to all!
* * *
NAIS ng kampo ni DILG Sec. Mar Roxas na mag-give way na si PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo “Dindo” Espina sa manok niyang si Dep. Dir. Gen. Marcelo Garbo. Sinabi ng mga kosa ko sa Camp Crame na gusto ni Roxas na gumawa ng sulat si Espina para i-endorso si Garbo kay Pres. Aquino bilang bagong PNP chief kapalit ng suspendidong si PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Ipinarating ni Roxas ang kanyang kahilingan kay Espina sa kanilang phone conversation, anang mga kosa ko. Itong sulat ni Espina ang gagawing ebidensiya ni Roxas para kumbinsihin si P-Noy na italaga na si Garbo bilang kapalit ni Purisima. Ayon pa sa mga kosa ko, hindi lang si Roxas ang tumutulak dito kay Garbo kundi maging si Senate Pres. Franklin Drilon at Rep. Niel Tupaz, na bagyo kay PNoy. Boom Panes! Sa ngayon kalat na sa Camp Crame ang balita na mag-give way nga si Espina sa mistah n’yang si Garbo. Subalit nililinaw ng mga kosa ko na hindi pa nagsumite ng saloobin niya si Espina sa kahilingan ni Roxas. Hehehe! Masalimuot talaga itong pagpili ng PNP chief, di ba mga kosa?
Kung ang mga kosa ko naman ang masusunod, ayaw nilang isantabi ni Espina ang sarili para kay Garbo. Sa totoo lang kasi, kaya nahirang na OIC si Espina dahil siya na ang pinaka-senior kung ang ranggo at posisyon sa PNP ang gagawing basehan. Kapag nag-give way si Espina, ibig sabihin n’yan wala siyang tiwala sa kakayahan niyang mamuno sa PNP, ayon sa mga kosa ko. Maari sigurong sumulat si Espina kay Roxas at papogiin pang lalo si Garbo sa mata ni DILG secretary subalit hindi niya dapat banggitin na inisantabi na niya ang tsansa niyang maging PNP chief. Antayin na lang siguro ni Espina na magdesisyon si P-Noy kung sino sa kanila ni Garbo ang babasbasan bilang kapalit ni Purisima imbes na pagbigyan si Roxas. Tumpak! Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Parang tinanggihan ni Espina ang grasya pag nagkataon!
Hindi lang naman sina Espina at Garbo ang gustong maging PNP chief kundi maging ang mga junior officers din nila. Kaya sa ngayon, aktibo ang sikuhan at eskrimahan sa Camp Crame para mapansin ni P-Noy. Habang hindi pa nagbaba ng desisyon n’ya si P-Noy, lalong nagkawatak-watak ang hanay sa PNP. ‘Ika nga ay nagkakaroon ng alignment of forces na walang maidulot na maganda sa imahe ng PNP. Kaya naman siguro dini-delay ni P-Noy ang desisyon n’ya at hinihintay pa ang paglabas ng TRO ni Purisima sa korte? Kapag may TRO na si Purisima, puwede pa siyang bumalik bilang PNP chief, di ba mga kosa? Hehehe! Ang gulo talaga ng PNP. Boom Panes!
Kung merong Roxas, Drilon at Tupas na tumutulak kay Garbo, mayroon ding Executive Sec. Paquito Ochoa at Defense Sec. Voltaire Gazmin na nasa likod ni Espina. Kung ayaw na ni Purisima na bumalik sa puwesto at tatanungin siya ni P-Noy kung sino ang manok niya, tiyak si Espina rin ang ingunguso n’ya dahil noon pa man ay magkaaway na sila ni Garbo. Get’s n’yo mga kosa?
Si P-Noy lang ang makakapigil nang lumalalang tsismis, sikuhan at eskrimahan sa Camp Crame sa pamamagitan ng pag-anunsiyo kung sino ang mapalad na opisyal na mamuno ng PNP. Abangan!
- Latest