‘Tips ni BITAG kontra ‘Dugo-dugo’ ngayong holiday’
SA mga nasa probinsya na, uuwi pa lang o nagbibiyahe na pauwi, muling nagbibigay-alerto at babala ang BITAG.
Mag-ingat sa mga putok sa buhong sindikato na magtatatawag sa inyong mga bahay. Baka kasi mga kasambahay lang ang naiwan at hindi man lang napaalalahanan o nabigyan ng babala.
Magugulat nalang kayo pagkatapos ng holiday dahil ang inyong mga mahahalagang gamit at ari-arian, nalimas na ng mga kawatan.
Lalo pang aktibo at agresibo kasi ang mga kriminal at demonyo sa lupa ngayon. Kaya naman mahalagang mabilinan ang inyong mga kasama sa bahay.
Sa mga maiiwan, maging mapagmatyag, ‘lerto at ‘listo sa lahat ng pagkakataon. Dahil ang mga masasamang-loob laging nag-aabang ng tyempo para makapanloko at makapambiktima.
Sa mga ekslusibong subdibisyon kung saan ang mga nakatira ay mayayaman, mataas ang posibilidad ng pag-atake ng “Dugo-dugo” gang.
Tinawag na “Dugo-dugo” ang modus dahil sa kanilang taktika at estilo. Target talaga nila ang mga kasambahay na naiiwan sa bahay. Tatawagan at papaniwalain sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa telepono.
Kunwari’y magpapakilala na malapit na kamag-anak o ‘di naman kaya kaibigan ng amo. Kukunin ang loob ng kasambahay at sasabihing nadisgrasya ang kaniyang amo.
Ang pobreng namamasukan naman sa kagustuhang makatulong sa umano’y nasa ospital na amo, susunod sa anumang idikta ng putok sa buho.
Uutusan ito na kunin ang mga pera at alahas sa pinagtataguan ng amo para may magamit sa mga gastusin sa pagamutan. Lingid sa kaalaman ng kasambahay, nahuhulog na pala siya sa BITAG ng mga kolokoy.
Kaya paalala ng BITAG, ‘wag agad magpapaniwala sa mga estrangherong tumatawag sa telepono. Kapag may mga insidenteng ganito, mabuting tawagan muna ang amo sa kanilang telepono para maberipika ang anumang tawag mula sa sindikato.
Para naman sa mga amo, mas mabuti kung mayroon kayong dedikadong teleponong iiwan sa kasambahay kung saan tanging kayo lang ang nakakaalam ng numero nang sa gayon hindi kayo maisahan at ma-modus ng mga sindikato.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest