Restaurant sa Mexico, 10,000 buto ng mga hayop ang dekorasyon
ISANG bagong restaurant sa Guadalajara, Mexico ang nakikilala ngayon dahil sa kakaiba nitong mga dekorasyon. ‘Hueso’ ang pangalan ng restaurant na ang ibig sabihin sa Espanyol ay buto.
Ang Mexicanong architect na si Ignacio Cadena ang nakaisip ng kakaibang disenyo ng restaurant. Akmang-akma ang pangalan ng restaurant dahil sa kakaibang konsepto ng disenyo nito. Nababalutan kasi ang mga pader ng Hueso nang mahigit sa 10,000 piraso ng buto ng mga hayop.
Makikita ng mga kumakain sa Hueso ang iba’t ibang parte ng kalansay ng mga hayop katulad ng bungo, panga, gulugod, at marami pang iba sa lahat ng sulok ng restaurant.
Pinili ni Ignacio ang mga buto ng hayop na pandekorasyon bilang pagkilala sa dating nakagawian ng mga sinaunang tao na paggamit sa buto ng mga hayop bilang kagamitan sa pagkain at pagluluto.
Hindi naman kailangan magdalawang- isip ng sinumang magpaplanong kumain sa Huesto dahil maganda naman ang pagkakalagay ng mga dekorasyong buto sa paligid ng restaurant kaya hindi madidiri o mawawalang gana ang mga kakain dito. Malinis din ang dating ng lugar dahil bukod sa mga bungo ay pulos kulay puti ang lahat ng iba pang dekorasyon ng restaurant.
- Latest